Nagkakilala sina Julius at Octavio nang mag-apply si Octavio ng trabaho sa pinagtatrabahunan ni Julius. Bagong dating noon si Octavio, bilang immigrant; galing sa Pilipinas.
Bigla silang naging magkaibigan nang malaman ni Julius na kalalawigan pala niya si Octavio. Ngunit iyo’y isang hindi tunay na pagkakaibigan sapagkat iyo’y isang pagkakaibigang naganap sa isang panahong ang kanilang pagkikilala ay mababaw lamang, hindi pa nila ganap na kilala ang tunay na pagkatao ng isa’t isa. Ang pagkikilala nila, kung baga sa pagkahinog ng isang bungangkahoy ay sa labas lamang, hindi pa nila alam kung ang loob ay tunay na hinog o hinog sa pilit, tulad ng isang mangga na maaring hinog sa puno o hinog sa kalburo.
TINAWAG si Julius ng kanyang supervisor at ipinabasa ang talambuhay ni Octavio.
Kagilagilalas at kahanga-hanga ang talambuhay ni Octavio. At sino ang hindi hahanga sa kanya ayon sa sinasabi ng kanyang talambuhay. Nakakasindak ang kanyang dunong: Class valedictorian siya magmula grade 1 hanggang fourth year high school. Nagtapos siya ng Engineering sa U.P. Nag M.A. sa U.P. rin. ‘Yong doctorate ay dito na lang niya kukunin, sa gabi at part time pa.
Sa trabaho naman ay naging project engineer siya pagkalipas lamang ng tatlong taon . Superintendent pagkalipas ng lima. Chief superintendent pagkalipas ng walo. Kung hindi siya umalis ay baka pangulo na siya ng kanyang pinagtatrabahuhan.
Kahanga-hanga rin ang kanyang mga nalalaman. Alam niyang lahat ang bagay. Agham; Kasaysayan; Palakasan; Show Business, Local man o Hollywood; Current Events; Economics; Geography; Philosophy; Sociology; Psychology.
Pagkuwa’y nangiti si Julius. May makakasama na rin siyang Pilipino sa pinagtatrabahunan niya. At hindi lang Pilipino kundi bigating Pilipino na magbibigay ng karangalan sa isang bansa at isang lahing nangangailangan ng karangalan. Maawain siyang tao, matulungin. Sa wakas, matutulungan niya ang isang nangangailangan – at kalalawigan niya pa.
Pagkuway tapos nang basahin ni Julius ang talambuhay ni Octavio. Pumasok siya sa nakabukas na pinto ng kanyang supervisor.
“So, what do you think?” tanong ng supervisor ni Julius.
“Impressive,” sagot ni Julius.
“Shall I call him for an interview?”
“Absolutely.”
Tinanggap sa pinagtatrabahunan ni Julius si Octavio.
SA SIMULA, si Octavio ay larawan nang isang mapagpakumbabang tao. Larawan din siya ng kabaitan. Wala nang hihigit pa sa kanyang pagiging magalang at maalalahanin. Tuwing umaga, ay matunog ang kanyang pagbati kay Julius nang “MAGANDANG UMAGA” na kadalasan ay may kasama pang “TIM HORTON’S coffee and donut”. At heto ang mas kahanga-hanga sa kanya, “Sir” pa ang tawag niya kay Julius.
Nahulog ang loob ni Julius kay Octavio. At sino ang hindi mahuhulog ang loob sa kanyang mga ipinakikitang kabaitan.
Bilang ganti sa mga ipinakitang kabaitan ni Octavio ay ang mabilis na pagsagot ni Julius sa mga tanong nito at ang pag-aalok ni Julius na maari gamitin ni Octavio ang kanyang mga “Reference Books, Notes and Binders” na maingat na nakasalansan sa isang maliit na bookshelf sa harapan ng kanyang mesa.
Itinurong lahat ni Julius ang kanyang mga nalalaman sa maikling panahon ng kanilang pagkikilala. Sa ano mang bagay na itinuro ni Julius ay mga salita ng pasasalamat ang ganti ni Octavio, bilang pagkilala ng utang na loob.
Natapos ni Octavio ng walang suliranin ang kanyang probationary period.
KABILANG si Julius sa isang samahan sa lalawigang kanilang pinanggalingan. Sa mga angking katangian ni Octavio ay hibang si Julius kung hindi niya siya isasama. Sa hinaharap, nasasaisip ni Julius, ay baka siya pa ang maging pangulo. At kung maging pangulo siya, at maging matagumpay ang samahan ay karangalan din niyang masasabi na siya ang nagsama sa kanya.
Ngayon sa piling ng mga kalalawigan, na wala siyang dapat na ipag-alaala na maaring mawalan siya ng trabaho ay naaninag ni Julius na hindi tunay na mabait at hindi tunay na magalang si Octavio. Sa likod nang kanyang mga ipinakitang huwad na kabaitan ay may nakakanlong na hindi magandang tunay na mga ugali. Nasasaisip ni Julius na nagbait-baitan lamang si Octavio upang turuan niya siya at upang malagpasan ang kanyang probationary period at maging pirmihan sa trabaho.
Sa mga usapan ay unti-unting lumilitaw ang kanyang natural na yabang.
Kilala niyang lahat ang mga matataas na pinuno na may mga piling matataas na katungkulan sa pamahalaan sa Pilipinas.
“Kilala ko si Ganito at si Ganire sa ganito at ganoong sangay ng pamahalaan.
“Malakas ang kapit ko kay Kuwan. Kasama ko ang mga iyon sa paglalaro ng golf at tennis.”
Ngunit alam niyang hindi kilala nina Julius ang mga iyon. At sapagkat napakatagal na nilang wala sa atin ay alam din niyang hindi nila kakailanganin ang kanilang mga tulong – na naging dahilan upang lalo naman niyang ipagpilitan ni Julius ang kanyang mga tulong.
Madaldal na rin siya. Walang tigil at madulas ang kanyang dila, na katulad ng isang isda, ay sa bibig siya nahuhuli.
Minsan ay nasabi niya sa kanilang usap-usapan na kung sasali siya sa isang samahan ay gusto niya na siya ay adviser lamang.
“Bakit?” naitanong ng isa sa grupo.
“Pag adviser ako ay wala akong ginagawa. Puhunan ko ay laway lamang. Pag nagtagumpay iyong sinabi ko; kasama ako, at bida pa. Pag nabigo; ay hindi ako kasama, sila lamang. At kung sisihin ako; di sasabihin ko, “Bakit ninyo sinunod?”
Nagkatinginan silang mga kausap ni Octavio at nagkaunawaan ang kanilang mga ngiti at mga mata. Tila naulinigan at naunawaan ni Octavio ang ibig sabihin ng mga ngiti at mga mata ng kanyang mga kausap at siya’y tila napahiya.
Pagkuwa’y tinangka niyang bawiin ang kanyang sinabi, “Mga amigos, ang mga sinabi ko ay biro lamang.”
Ngunit huli na. Nahuli na naman namin siya sa dulas ng kanyang dila.
SA PALAGAY ni Julius, siya rin ang tipong kasama sa lahat ng usapan at mga balak ngunit kapag oras na upang gawin ang pinag-usapan ay hindi siya darating o kung dumating man ay huli at sandali lamang.
May namuong plano sa isip ni Julius. Naghahanda ang pamunuan para sa darating na picnic. Aanyayahan niya siyang sumama sa meeting bilang guest. Malalaman niya kung tama ang kanyang hinala.
Tama ang kanyang hinala. Dumating siya nang matatapos na ang meeting. Dramatic entrance ang kanyang pagdating. Tinawag niya ang pansin ng lahat sa maingay na bagsak ng takong ng kanyang mga sapatos. Naka-sunglass pa siya gayong nasa loob naman siya ng bahay.
Tulad din nang inaasahan ni Julius ay may mga dahilan siya sa kanyang huling pagdating.
“Pagpaumanhinan ninyo ang huling pagdating ng inyong abang lingkod sa kanyang huling pagdating,” tinangka niyang magpatawa upang muli ay makatawag siya ng pansin.
At sapagkat matatapos na ang meeting nang siya ay dumating ay wala siyang masyadong nasabi sa meeting na iyon.
DUMATING ang araw ng picnic. May sapantaha si Julius na muling tatangkain ni Octavio na muling mapuna at maging bida.siya sa oras ng kanyang pagdating.
Malikot ang ang mga mata ni Julius sa paghanap kay Octavio. Nasa kalagitnaan na ang picnic ay wala pa siya.
Walang ano-ano ay dumating ang isang segunda mano, may kulay na matingkad na pula at convertible na sports car. Bumaba si Octavio. Muli, naka sunglass siya, naka Nike na golf shirt, naka Tiger Wood na golf hat.
Alam rin Julius na gagawa ng mga paraan si Octavio para siya ay mapansin.
Naglalakad si Octavio patungo sa pinagdadausan ng picnic. Mga sampung metro na ang layo niya sa kanyang sasakyan. Nakapamulsa siya.
Walang ano ano ay umatungal ang alarm ng kanyang sasakyan. Tinginan ang mga tao sa pinanggagalingan ng ingay. Naroon si Octavio. kumakaway ang kanang kamay at nakapamulsa ang kaliwang kamay.
Alam rin ni Julius na hawak ng kaliwang kamay ni Octavio ang alarm key ng kanyang sasakyan. Pagkuway huminto ang ingay ng alarm ng kanyang sasakyan pagkatapos na mapansin ng tao ang kanyang pagdating.
Nakipasalamuha siya sa mga naroon. Muli, tinangka niyang maging bida. Hindi siya pinansin ng kanyang mga unang kakilala sa maikling panahon ng kanyang pagsapi sa samahan sapagkat hindi naman mahirap unawain kung sino siya.
Sa simula ng kanilang pagkikilala ay nakapamulat ang mga mata ng mga bago niyang kakilala sa paghanga sa kanya ngunit paghangang magwawakas sa pagkainis sa kanyang sobrang yabang.
Pagkuway ipinahayag na magkukuhanan ng larawan and lahat ng naroon.
Tama rin ang hinala ni Julius, naroon si Octavio sa gitna sa harapan, litaw lahat ang mga ngipin sa pagkakangiti, at ang kanyang bibig ay halos umabot sa kanyang tainga na para bang siya ang may pinakamataas na katungkulan at may pinakamarami at pinakamahalagang ginawa.
SA PAG-AANGKIN ng kanyang mga kahinaan ay kapansin-pansin ang pagiging napakamaramdamin ni Octavio.
Sa mga sumunod na pagtitipon, sa ingay ng mga usapan at sa lakas ng bunghalit ng mga tawa ng mga nag-uusap ay kaagad siyang lalapit, mandi’y upang malaman kung siya ang pinag-uusapan – na lalo naman siyang pipikunin.
“O, anong sinasabi ninyo tungkol kay Octavio?”
“O, ngayong kaharap ninyo si Octavio ay bakit hindi ninyo sabihin ang sinasabi ninyo tungkol sa kanya, hindi iyong nakatalikod siya ay kung ano-ano ang sinasabi ninyo.’
“Oo nga naman,” ayon ng isa mandi’y upang lalo siyang inisin.
MAPAGTANIM si Octavio. Siya na yata ang pinakamapagtanim na taong nakilala ni Julius.
May nakagalit siya tungkol sa isang napakaliit na bagay lang naman, na kung tutuusin ay walang kakuwekuwenta. Hindi niya makalimot-limutan iyon at ipinagsasabi niyang isang araw ay gaganti rin siya.
“Kanino?” tanong ni Julius.
“Kay Fidel.’
“Bakit?”Ano’ng ginawa sa iyo.’
Sinabi ni Octavio na isang araw ay ininsulto siya ni Fidel.
“Bakit? Ano’ng ginawa o sinabi niya para mainsulto ka?” muling tanong ni Julius.
“Mabaho daw ang hininga ko.”
“Binibiro ka lang noon.”
“Hindi! Seryoso siya.”
“Pa’no mo nalamang seryoso siya?”
“Hindi siya nakangiti.”
“Mayro’n pa siyang sinabi sa iyong hindi mo nagustuhan?”
“Mayro’n pa.”
“Ano?”
“Iyakin daw ang kilikili ko.”
Napabunghalit ng tawa si Julius. “Binibiro ka lang ni Fidel. Talagang gano’n si Fidel, mahilig magbiro ng personal, kahit hindi totoo.”
Nagkasakit si Fidel – cancer sa atay na nakuha sa sobrang pag-inom. Ang kanyang huling hiling bago siya sumakabilang buhay ay ang magkabati sila ni Octavio sapagkat isa sa pamahiing kanyang pinaniniwalaan ay hindi magandang mamatay ng mayroon kang kaaway. Ayon umano sa mga naniniwala sa pamahiing ito ay hindi ka magkakaroon ng katahimikan sa kabilang buhay kung namatay ka ng may kaaway.
May kumausap kay Octavio na dalawin niya si Fidel sa pagkakaratatay at magbati na sila. Sinabi din kay Octavio ang pamahiing pinaniniwalaan ni Fidel.
“Ha! Mabuti nga sa kanya. Maganda nga kung mamatay siya ng walang katahimikan,” nanggagalaiti umanong sagot ni Octavio
NAGKAROON ng halalan sa kanilang panlalawigang samahan. Pareho nahalal sina Julius at Octavio sa mga mamumuno. Si Julius ang pangulo at si Octavio ang pangalawang pangulo – na inaasahan ni Julius na gustong katungkulan ni Octavio sapagkat sa kanyang pag-aakala, ang katungkulang ito ay mataas at walang ginagawa.
Iyon ang kanilang unang miting. Sa umpisa pa lamang ay hinala na ni Julius na si Octavio ay magpapakitang gilas. Walang tigil ang kanyang pagsasalita kahit na hindi naman siya dapat magsalita na para bang sa pagsasalita lamang maipakikita ng isang tao ang kanyang kahusayan at kakayahan.
Suliranin ngayon ni Julius kung papaano niya siya patatahimikin upang sa susunod naming mga miting ay mabigyang pagkakataong makapagsalita ang iba.
Sa isang paksang kung papaano padadamihin ang mga kabilang sa samahan ay naroon na naman siya. Kailangan daw na gawin nila ang ganito at ganire. Kailangan daw na lapitan namin si Kuwan at si Kuwan.
Sa wakas ay tapos na rin si Octavio sa pagsasalita. May pumasok sa isip ni Julius. Kaniyang sinabi na siya’y gagawa ng committee at siya ang magiging chairman.
Tinginan kay Julius ang mga naroon. Tiningnan ni Julius si Octavio at hindi maikakaila na siya’y namumula. Napangiti si Julius.
Tagumpay ang kanyang pamamaraan. Wala siyang dahilan upang tumanggi. Idea niya ang kanyang mungkahi at kung may nakakaalam kung papaano magiging tagumpay ang kanyang mga sinabi ay wala nang hihigit pa maliban sa kanya.
Napasubo siya at sa pakiwari niya ay hindi siya maligaya sa kanyang bagong katungkulan. Hindi siya maligaya na ngayon ay may pananagutan na siya ay kailangan niyang magtrabaho.
Makalipas ng isang linggo, sa pamamagitan ng e-mail, ay nagpadala si Octavio ng sulat ng pagbibitiw sa tungkulin kay Julius – na inaasahan naman ni Julius.
TAPOS na ang kanyang probationary period. Pirmihan na siya. Agad kong napansin ang kanyang biglang pagbabago. Tulad ng isang hunyango ay nagbago na ang kanyang kulay, limitaw na ang kanyang itinatagong tunay na ugali. Tulad siya ng isang hunyango na gumalaw at umasta sa hinihingi ng pagkakataon
Ngayo’y marami na siyang alam nang dahil sa akin. Napapansin kong nagbabago na siya. Ang dating “Sir,” ngayon ay Rene na lamang. Wala na rin ang pagbati nang “MAGANDANG UMAGA.” Ang “TIM HORTON’S coffee and donut” ay wala na rin.
Hindi kailangan ang pag-iisip ng “Rocket Scientist” upang unawain ko ang mga naganap. Sa simula, ang dahilan ng kanyang pagiging mabait at mapagpakumbaba ay upang turuan ko siya – na akin namang ginawa. Ngayong naturuan ko na siya at nakuha na niya ang mga gusto niya sa akin ay hindi na niya ako kailangan.
Ngunit hindi ako nagpapahalata sa kanya. Hindi ko ipinahahalata ang mga napapansin ko. Pinapadama ko pa rin siya. Natutuwa at naaawa ako sa mga taong katulad niya. Magandang paksa sa isang maikling kuwento, sa loob-loob ko.
ALAM na rin niya ang trabaho ko at ngayon ay pinaghahangaran niya ang puwesto supervisor namin.
Ngunit napapansin na siya sa amin. Pinag-uusapan na namin siya.
Sa kanyang paglalakad ay malikot ang kanyang mga mata, mandiy tinitingnan kung ano ang mga ginagawa ng kanyang mga kasama upang sa unang nasilip na pagkakataon ay hangos na siyang magsusumbong sa chief namin (Nilaktawan na niya ang aming supervisor).
Madalas ay pinag-uusapan namin siya.
“Tingnan mo nga kung lumakad, ang likot ng mga mata.
“Huwag kang maingay, baka marinig ka. Ispiya iyan.”
“KGB o CIA?”
“All of the above.”
Alam naming ispiya at sipsip siya na sa unang pagkakataon ay isusumbong ka niya sa pinakamaliit mang bagay na bawal na iyong ginawa upang lumapad ang kanyang papel at bumilis ang kanyang asenso.
Hindi ako naasiwa sa kanya bagkus ay naawa ako. Ang kanyang mga ginagawa ay isang pamamaraang hindi para sa lahat.
Ang kanyang pag-asenso ay nakuha hindi sa merit kung hindi sa pamamaraang madumi. Sa pagkakaroon ng boss na ayaw ang kanyang mga ginagawa ay nangangahulugan ng mabilis na pagtalsik sapagkat ang kanyang pag-asenso ay hindi dahil sa kakayahan kung hindi dahil sa kanyang pagiging ispiya.
Kilala na siya sa amin. Ang dating mabait, mapagpakumbaang nilalang sa panahon ng pangangailangan; ngayon ay isang supladong hindi namamansin. Hindi niya pinapansin ang kanyang mga kasamahan sa pag-aakalang higit ang kanyang angking talino kaysa sa kanila. Hindi niya pinapansin ang supervisor namin na kung hindi dahil sa kanya ay wala siya roon. Hindi rin niya ako pinapansin na kung hindi sa rekomendasyon ko ay hindi naman siya tatanggapin ng supervisor namin.
Sa pagkakadikit sa isang may kapangyarihan; sa pakiwari niya, siya ay naambunan na ng kapangyarihan.
Kung may kailangan siya ay deretso na siya sa manager. Hindi niya binigigyan ng galang ang bisa ng katungkulan ng aming supervisor.
Ngunit alam namin na si Gord ay naroon dahil sa kanyang angking kakayahan, na siya ay iginagalang halos ng lahat. Alam din namin na ito ay nagmamasid masid at nakikiramdam lamang, na hindi niya papayagang manatili ang isang taong katulad ni Efren sa amin, na kung gusto niyang matanggal si Efren ay magagawa niya kung lalapit siya sa director, na iginagalang din siya.
Ngunit ang manager na kanyang dinikitan ay naroon, tulad din niya, ay naroon ng dahil sa pulitika at hindi dahil sa kakayahan. Alam din namin na ang kanilang katungkulan ay pansamantala lamang, na kung hindi gaganda ang takbo ng pamamalakad at kung hindi lalaki ang kabuuang tubo, ay magkakaroon uli ng pagbabago, at kasama sila sa mga tatanggalin. Tulad ng isang barko ang pagpapalakad ng negosyo ay “command responsibility,” na kung may mangyari ang unang tatanggalin ay ang kapitan. Sa pag-alis ng kapitan ay kasamang tatanggalin ang mga galamay nito.
Tama ang aking hinala. Hindi maganda ang direksyong aming tinutungo. Marami akong naririnig na “Axe will fall.” Marami ang kinabahan lalo na ang mga nalagay sa katungkulan ng dahil sa palakasan. Marami rin ang nagdiwang sapagkat mawawala na rin ang mga “naroon” na hindi naman dapat na “naroon”
Ipinahayag na magkakaroon ng reshuffle. Ipinada sa e-mails, ipinaskel sa bulletin board ang bagong “organization chart.” Ng aking tingnan ay wala ang padrino ni Efren. Saglit akong nangiti. Ng aking tingnan ang pumalit sa kanya ay si Gord.
Ngayon ay iba na naman ang kilos ni Efren. Namamansin na naman siya. Sa kanyang biglang pagbabago, kami ay nagpapalitan ng mga ngiti at mga kindat – ngunit mga ngiti at mga kindat na may kahulugan.
Isang araw ay bigla na lamang dumating ang security guard sa mesa ni Efren. Saglit silang nag-usap at pagkuway namutla si Efren. Sa loob ng labinlimang minuto ay nilangkap ni Efren ang kanyang mga pansariling mga gamit.
Yuko ang ulo, bagsak ang mga balikat at kasabay ang napag-utusang security guard ay walang kibong lumakad silang palabas sa aming upisina.
Munting Nayon News Magazine