Mga Gintong Kwento
If you are reading this note, you must have accessed this page directly through a bookmark or an external link. Please be advised that www.mnnetherlands.com recently underwent a re-structuring and that this page has been renamed and moved to a new directory, and will eventually be phased out. Click the SEARCH button below to locate this page's upgraded version.


Mga Gintong Kwento
PAALAM SA ISANG KAIBIGAN

Marchl, 2008
 
 
Siya na yata ang pinakamayabang na taong aking nakilala, ngunit siya'y aking kaibigan.

Magkasama kami sa trabaho, at aaminin ko na siya ay may angking talino. Hindi siya maaring maging administrator dahil sa kanyang angking yabang, ngunit sa mga bagay na technical ay maraming humahanga sa kanya - kasama na ako.

Nadagdag pa dito na kami ay nagkakilala at nagkasama sa panahon ng aming kasibulan, sa panahong hindi pa sumasakit ang aming mga tuhod at nakatatakbo pa nang matulin. Mayroon kaming parehong kahinaan, at ito ay ang paglalaro ng tennis.

Madali siyang natutong maglaro ng tennis sapagkat siya'y tipong manlalaro. Ako naman ay hindi tipong manlalaro, ngunit masipag mag-ensayo.

Marami kaming ginugol na panahon sa isa at isa sa paglalaro ng tennis. Maganda ang aming mga laban. Kung minsan ay tinatalo niya ako, at kung minsan ay tinatalo ko naman siya.

Mahusay na siyang maglaro at nagsisimula nang lumaki ang kanyang ulo. Ayaw na niyang kalaro kung hindi niya kasinghusay o kung hindi mas mahusay pa sa kanya ang kanyang kalaban.

Sasabihin niya kung inaakala niyang kayang-kaya niya ang kanyang ayaw kalabanin o makakalaban:

"Ano'ng mapapala ko riyan, e tingnan mo nga kung tumira."

"Marami pang kakaining kanin iyan, bago ko kalabanin."

"Lalabanan ko iyan, pero kailangang may pusta."

Nagsimula na siyang kainisan nang aming mga kasama dahil sa kanyang angking yabang, ngunit siya'y hindi nabahala. "Problema na nila iyan," sasabihin niya.

Wala na siyang kasundo sa aming barkadahan. Isinusuka siya ng aming mga kasamahan. Sa harap-harapan, siya ay kinakausap na tila isang kaibigan; ngunit sa talikuran, siya ay pinagtitsismisan at pinag-uusapan. Walang magandang sinasabi sa kanya sa talikuran.

"Putang-inang iyan. Napunta lang sa Canada ay akala mo na kung sino."

"May balita ako: Pulubi daw sa atin iyan at napakahirap ang pinagdaanan, pero tingnan mo ngayon kung makaasta."

"Tingnan mo nga naman, ano? Parang tagak, natuntong lang sa likod ng kalabaw, pero sa tingin niya sa sarili ngayon ay mas mataas pa siya sa kalabaw."

"Pabayaan mo lang siya. Ang mga taong katulad niya: kung ano ang taas ng lipad, siyang kalabog pagbagsak."

Sa kabila ng kanyang mga kahinaan at sa hindi ko malamang mga dahilan, o sa dahilang mahirap ipaliwanag ay hindi ako naiinis sa kanya. Bagkus, ay naaawa ako. At sino ang butihing nilalang na hindi maaawa gayong ako lang naman yata ang hindi naiinis sa kanya. Ang tao, ano mang sama at ano mang yabang, ay kinakailangang magkaroon din ng kaibigan na kanyang magiging hingahan. Kailangan ng sinuman ang isang nilalang na maari niyang pagsabihan ng kanyang mga sama ng loob, mga hinanakit at mga himutok nang walang pangamba na siya ay ipigkakanulo. Sa pakiwari ko, ay ako ang itinalaga ng Diyos na kanyang maging kaibigan.

Sa kanyang mga pagyayabang, ako ay tagapakinigm lamang. Pangiti-ngiti, patawa-tawa, patango-tango ang mga sagot ko sa kanyang mga pagyayabang. Marami akong natututuhan sa ganitong paraan. Ipinagtatapat ng tao ang kanyang nasasaloob kung siya ay pinababayaan mo lamang. Sa pagiging mabuting tagapakinig, ang tao ay nag-aakala na siya ay nakakita nang isang mapagkakatiwalaan.

MAHIGPIT ang kanyang paanyaya sa akin, upang kami, bilang balikbayan, ay umuwi nang sabay at magbakasyon sa kanilang bayan.

"Sumama ka lang sa 'kin ay akong bahala. Wala kang iintindihin sa tirahan at sa pagkain."

"Nakahihiya naman se'yo."

"Ikaw naman. Para kang hindi kaibigan."

"Kahit na. Sobra naman yatang pang-aabala ang gagawin ko."

"Aw! Bale wala iyan. O, ano?"

"Iisipin ko pa rin. Sa bagay na iyan ay mahiyain ako."

Dalawang linggo ko ring inisip kung sasama ako kay Sonny o hindi. Mayroon akong sapantaha na ang dahilan kung bakit matindi ang kanyang paanyaya ay upang ipagyabang sa akin ang pag-asenso ng kanyang pamilya.

UMUWI kami sa kanilang bayan ng San Quentin na isang bayan sa lalawigan ng Bulacan.

Isa ang pamilya ni Sonny na may maganda at malaking bahay sa San Quentin. Halata ang bagong katatayong bahay na ayon sa aking mga narinig ay pinagtulung-tulungan nilang tatlong magkakapatid na nasa abroad na maipatayo.

Ang nanay lamang ni Sonny at isang katulong ang nakatira sa pagkalaki-laking bahay na iyon. Mayabang din ang nanay ni Sonny - tipong donya noong panahon ng Kastila - kung umasta. Sa kanya marahil nagmana si Sonny.

Balo na ang nanay ni Sonny na ayon sa bali-balita ay namatay sa kunsumisyon sa nanay ni Sonny.

Mommy na ang tawag ni Sonny sa kanyang nanay. Sa pagsasama nang dalawang mayabang ay karaniwang bagyo ang naririnig ko.

GOLF at TENNIS na ang laro ni Sonny ngayon. Sa aming pag-uwi, sa pakiwari ko, ay gusto niyang ipagyabang na siya ay isa ng tennis player - at hindi lang tennis player kung hindi instructor pa.

Tama ang aking kutob. Makalipas ang mga tatlong araw ng aming pagdating ay nag-aya na siya sa tennis courts sa kabayanan.

Sa una, ay mga oras nang pagpapakumbaba sapagkat hindi pa namin kilala ang aming mga kaharap. Mahirap makaharap nang isang mayabang ang kapwa niya mayabang. Karaniwan ay hindi maganda ang kinahihinatnan.

Ngunit malaunan ay kilala na ni Sonny ang mga naroon. Walang mayabang na alam niyang kokontra sa kanya.

Sa atin, ang tennis ay laro pa rin ng mga may pera. Sino ang makabibili ng mga gamit ng tennis gayong ang halaga nang isang lata ng bola ay katumbas na ng suweldo sa kalahating araw na paggawa nang isang karaniwang manggagawa. Sino ang makabibili nang isang mahusay na tennis racquet gayong ang halaga nito ay sapat nang makabili nang isang kabang bigas. Sino ang makabibili nang mahusay na sapatos, ng tennis shorts at tennis shirts kung hindi sila lamang na may pera.

Kalaro namin ang mga abogado, at mga doktor at mga usurero at mga negosyante. Puro Nike ang aming mga gamit maliban sa raketa na gawa ng Prince o Wilson o Head.

Tapos na ang pakiramdaman. Alam ni Sonny na maari na siyang magyabang. Lumabas na ang kanyang natural na ugali.

Sa aming paglalaro ng tennis ay nagkamali ng pukol ng bola ang ball boy. Sinigawan niya ito, "Dito mo ibigay ang bola! hindi diyan! Ano ka ba? Tatanga-tanga ka!"

Sa sulok ng aking mga mata ay pinagmasdan ko ang kaawa-awang bata - na naroon upang kumita nang munting halaga. Sa idad niyang iyon, sa loob-loob ko, ay dapat ay nasa laruan siya, at dinadama ang ligayang dulot ng kanyang kamusmusan. Ngunit narito siya, sapagkat matindi ang kanyang pangangailangan sa pera. Sino ang batang isasakripisyo ang kanyang kabataan nang dahil sa munting halaga.

Alam ko ang kanyang nasasaloob. Napapahiya ang kaawa-awang bata. Hindi siya kumikibo. Kikimkimin niya ang sakit ng damdamin. Tinitiis niya ang kirot na dulot ng pagkapahiya. Pinipigil ang mga luhang gustong tumulo. Marahil, ay ganoon katindi ang kanyang pangangailangan sa pera.

Tapos ng ang aming set at muli sa sulok ng aking mga mata at sa kubling dulot ng suot kong may gradong di kolor na salamin ay minamasdan ko ang bata.

Patakbong nagpunta siya sa CR. Makalipas ang mga tatlong minuto ay sumunod din ako. Nakakandado ang pinto. Idinikit ko ang aking kanang tainga sa pinto ng CR. Doon sa kulong na CR, na inaakala niya na siguradong walang makaririnig, siya ay humahagulhol.

Nagpalipas pa ako ng mga limang minuto upang siya, sa pamamagitan ng pag-iyak ay ilabas ang kanyang sama ng loob.

Pagkuwa'y naramdaman niya na sa labas pala ay may naghihintay.

Bumukas ang pinto at naroon siya. Kinakalamay ang kanyang sarili. Pinupunasan ng laylayan ng kanyang luma, gusgusing kamiseta ang namumulang mga mata. Yuko ang ulong lumakad siyang palabas.

HINDI ko muna hinarap si Sonny sa nangyaring iyon. Panauhin niya ako, at sapagkat panauhin ay gusto ko ring bigyan siya ng respekto.

Ngunit nakikiramdam ako. Kung ako ay may kahinaan, ay iyon ay sa mga batang katulad ng batang iyon.

Ang paglalaro ng tennis sa umaga ay isang malaking bahagi ng aming bakasyon. Kilala na kami roon, lalong-lalo na si Sonny, na kilala bilang isang mahusay na manlalaro - na totoo naman. Naroon din ang batang iyon, tuwing umaga, na sa munting pagkakamali ay sinisigawan ni Sonny.

Isang umagang ako ay nakahanda na upang maglaro ng tennis ay lumabas si Sonny sa kanyang kuwarto na tila namumula.

"Hindi muna 'ko sasama," sabi ni Sonny

"Bakit?"

"Masamang pakiramdam ko. Parang mata-trangkaso 'ko."

"Pa'no? Ako na lang."

"Pahahatid na lang kita sa pamangkin ko."

"Huwag na. Magta-tricycle na lang ako."

"Mahirap sumakay sa tricycle. Maalikabok. Mausok. At saka, parang hindi ka galing sa Canada pag naka-tricycle ka rito. Pagtitinginan ka ng mga tao."

"Bale wala sa 'kin 'yan. Diyan naman ako lumaki."

Nasasaloob ko, na ito na ang pagkakataon para makilala ko nang mas maigi ang batang iyon.

Katulad nang inaasahan ko ay naroon ang batang iyon. Kauna-unahan siyang dumarating sa pila ng mga ball boys na nagsisilbi sa tennis courts na iyon. Kauna-unahan siya sapagkat sa pagiging maaga ay maraming mga tennis matches at sets na siya ay magiging ball boy.

At sapagkat ako ay early riser ay maaga rin akong naroon upang maglaro.

Naglalaro na kami at muli, siya ang aming ball boy. Naroon siya. Tumatakbo upang pumulot ng bola. Tinatawag kung out o in ang tama ng bola sa mga guhit na kanyang nakikita. Inilalagay ang score sa scorecard na nakabitin sa tabi ng poste ng tennis net.

Ang kaibhan ngayon ay wala si Sonny na sisigaw sa kanya.

Tapos na ang aming set at sapagkat araw ng Sabado ay maraming naglalaro ng tennis. Marami rin ang ball boys na naroon upang kumita nang munting halaga.

Pahinga muna ako. Pahinga rin siya. Kapuwa kami naghihintay nang tawag upang maglarong muli.

Pagkuwa'y nawala siya sa aking paningin. Nang igala ko ang aking paningin upang siya ay hanapin ay naroon siya sa isang sulok ng stands. Nag-iisa siya roon, mandi'y lumalayo sa karamihan. Nakapangalumbaba siya - sapo ng kanyang kanang palad ang kanyang baba, nakatukod ang kanyang kanang siko sa kanyang kanang hita. Nakatingin siya sa malayo, mandi'y nangangarap.

Lumakad ako palapit sa kanya. Nang ako ay malapit na ay tumingala siya at tumingin sa akin. Pilit siyang ngumiti. Naupo ako sa tabi niya at sa aking tennis bag ay kinuha ko ang dalawang chocolate bar. Inialok ko sa kanya ang isa nito, "Tig-isa tayo."

Tumanggi siya, "Salamat po.Busog pa po ako."

"Nahihiya ka."

"Hindi po."

"Nag-almusal ka na?"

"Opo."

"Sa'n?"

Saglit siyang di kumibo, mandi'y natatakot na magsinungaling.

"Tanggapin mo," pagpapatuloy ko

Tinanggap niya ang chocolate bar.

"Tagasa'n ka?"tanong ko.

"Do'n po." Itinuro niya ang lugar ngunit hindi niya sinabi ang pangalan.

"Ilang taon ka na?"

"Labing-isa po."

"Nag-aaral ka."

"Dati po."

"Ngayon?"

"Hindi na po.'

"Bakit?"

"Wala pong pera."

Pagkuwa'y tinawag ako ng namamahala upang muling maglaro. Siya uli ang aming ball boy. Iba na ang kilos niya ngayon. Masigla na, mandi'y iniisip na dito pala sa mundo ay mayroon pa rin palang nalalabing mabuting tao. Sa isang maliit na munting mabuting gawa ay isang kaawa-awang nilalang ang nakaaninag ng pag-asa.

Tapos na ang aming set at pawisan na ako. Nangangagat na ang sikat ng araw. Mahapdi ang tama sa aking mukha at mga kamay at mga braso at mga hita at mga binti. Lumakad ako patungo sa lilim na dulot ng bubong ng stands at doon ay nagpalit ako ng kamiseta.

Iginala ko ang aking mga mata, at muli, ang batang iyon ay nasa sulok na iyon. Nag-iisa siya. Naghihintay ng tawag upang siya ay muling magsilbing ball boy. Sa pagtingin ko sa kanya ay natingin din siya sa akin at nagkaroon ng ugnayan ang aming mga mata. Nangiti siya nang isang maliit ngunit natural na ngiti. Kinawayan ko siya at siya ay bumaba palapit sa akin.

"Gusto kong maging magkaibigan tayo," sabi ko sa kanya ng siya ay nasa harapan ko na.

"Opo."

"Magbo-ball boy ka pa?"

"Isa pa po."

Matindi at nangangagat ang init ng araw. Mahapdi ang tama nito sa bahagi ng katawan na walang balot. Ngunit naroon siya at nagtitiis ng init upang kumita nang munting halaga.

Alam ko ang dahilan kung bakit magbo-ball boy pa siya. Gusto pa niyang kumita. Marahil ay kailangang-kailangan pa niyang kumita. Marahil sa kanyang munting kita ay mayroong umaasa.

"Magkano ang kita mo sa bawat set?"

"Beinte pesos po."

"Kung ibigay ko na lamang sa iyo iyon, at dadagdagan ko pa, sumama ka na lamang sa akin."

"Sa'n po?"

"Sa Jollibee, sa Mcdonald, sa Chow King, kung sa'n mo gusto? Kakain tayo?

"Sa Chow King po."

"Bakit mo gusto roon?"

"Gusto ko po'yong halo-halo nila na may ice cream."

Tapos na kaming kumain at ngayon kami ay naghahanda na upang lumabas. Inilabas ko ang isang P500.00 sa aking bulsa. Iniabot ko ito sa kanya.

"Ayoko po nang ganyan kalaki."

"Bakit?"

"Sabi po ng nanay ko ay huwag daw akong tatanggap ng pera sa hindi ko kakilala, lalo na kung malaking halaga."

"Kilala mo naman ako. Hindi ba?"

"Kahit na po."

"O, sige. Isandaan na lang, pero gusto kong isama mo 'ko sa tirahan ninyo."

Tama ang aking kutob. Sa kanilang munting dampa, sa lugar ng mga squatter, sa may riles ng train, ay naghihintay ang kanyang nakaratay, may sakit na ina - hinihintay ang kanyang uwing munting biyaya.

Bago ako umalis ay inabot ko sa nakaratay na babae ang P500.00 kangi-kangina lamang ay tinanggihan ng batang iyon.

TINANINGAN ko ang aking sarili. Sa minsan pang pagsigaw ni Sonny sa batang iyon ay kakausapin ko na siya.

Muli, kami ay naglaro ng tennis at muli, sinigawan ni Sonny ang batang iyon.

Nasa salas kami ng kanilang bahay, nanonood sa CNN ng mga malalaki at malulubhang mga balitang naganap sa daigdig nang nagdaang araw. Nakaupo kami habang naghihintay ng tawag ng kanilang katulong upang kami ay maghapunan na.

Katulad nang dati ay nagyayabang si Sonny. Katulad din nang dati ay tagapakinig lamang ako. Sa kanyang pagyayabang ay nakasingit ako ng pagkakataon upang sabihin sa kanya ang tungkol sa batang iyon.

"Hindi ko gusto 'yong ginagawa mo sa bata," sabi ko.

"Sinong bata?"

"'Yong ball boy."

"Bakit? Anong ginawa ko?"

"Sinisigawan mo. Napapahiya tuloy 'yong bata."

"Aw! Huwag mong intindihin iyon. Bale wala sa kanila iyon."

"Anong huwag intindihin, e tao din iyon."

"Bale wala sa kanila iyon. Sanay na."

"Kahit na. Alam mo bang masama ang epekto no'n."

"Bale wala sa kanila iyon. Buti nga, hindi ko siya binatukan."

Nagpanting ang aking tainga sa aking narinig. Humahaba ang aming usapan at umiinit. Nakikituloy ako sa kanila at kabastusang makipag-away ako sa kanya gayong nasa teritoryo niya ako.

"Bukas na tayo mag-usap," sabi ko.

AKO'Y isang taong madaling makatulog ngunit iyo'y isang gabing hindi ako makatulog. Sumasagi sa aking isipan ang mga alaala nang isang biktima ng kapalaran - isang bata na ang kanyang kasalanan ay siya ay ipinanganak na mahirap, na hindi naman niya gusto. Sa pagiging mahirap, siya ay inapi nang isang matapobreng nilalang na nanggaling din naman sa kahirapan.

Inimpake ko ang aking mga gamit.

Kinabukasan, bago mag-almusal ay nakabihis na 'ko. Bitbit ang aking maleta ay lumabas ako sa aking kuwarto. Ibinaba ko iyon sa bunganga nang pintong labasan. Bumalik ako sa loob ng kabahayan at kumatok sa pinto ng kuwarto ni Sonny. Pupungas-pungas niyang binuksan ang pinto.

"Sa'n ka pupunta," tanong ni Sonny.

"Magpapaalam na. Salamat sa mga kabutihan mo," sagot ko.

'Ha!"

"Mapagpapasens'yahan kita sa mga kayabangan mo, pero ang mga pang-aapi mo sa batang iyon ay hindi ko kayang palampasin."

"Ha!"

Tumalikod ako at lumakad patungo sa pintong labasan. Binuhat ko ang aking maleta.

Pinara ko ang unang tricycle na dumaan na magdadala sa akin sa motel sa kabayanan na aking magiging pansamantalang tirahan.

Pagbalik namin sa Canada ay hindi ko maiiwasan na kami ay hindi muling magkita. Ngunit ang mga naganap ng tungkol sa batang iyon ay katapusan na ng aming pagiging magkaibigan.