Kapuwa mga manggagamot ang mag-asawang Dr. Ronald at Cora Cruz. Kapuwa sila bunga ng UST School of Medicine, na isa sa mga pangunahing paaralan ng medisina sa Pilipinas. Kapuwa rin sila nakakuha ng fellowship sa isang malaking pagamutan sa Detroit, Michigan.
Tapos na ang kanilang fellowship. Sa halip na bumalik sa Pilipinas ay nag-apply sila sa Canada, bilang immigrant.
Nangangailangan noon ng maraming manggagamot sa Canada. Pinahalagahan ang kanilang mga papeles. Pinahalagahan din ang kanilang mga pag-aaral at mga karanasan sa States. Madali silang natanggap.
Pagkatapos lamang ng isang taong paghahanda ay handa na silang kumuha ng board exam, na madali naman nilang naipasa.
Kaagad din silang nag-practice. General practitioner si Dr. Cora Cruz. Espesyalista sa internal medicine si Dr. Ronald Cruz.
Nagkaroon sila ng isang anak na babae, si Leah.
Kapuwa sila career persons, na marahil ay siyang naging dahilan kung bakit hindi na nasundan si Leah.
Kinuha nila sa Pilipinas ang Tito Pablo at Tita Menchie ni Leah upang mag-alaga sa kanya. Walang anak ang mga ito. Mababait, ngunit istrikto sila.
Ang tanging libangan ng Tito Pablo at Tita Menchie ni Leah, na marahil ay tangi nilang kaligayahan, ay ang pagkanta. Ang tanging yaman ng mga ito ay ang pinakabago, pinakamagandang kareoke machine, na tuwing Pasko ay makahulugang regalo ng kanyang Mommy at Daddy.
Bata pa lamang si Leah ay naririnig na niya ang ganda ng boses ng kanyang Tito at Tita. Isa ito marahil, sa mga dahilan kung bakit siya nahilig sa pagkanta.
Sa murang gulang ay pasama-samang si Leah kumakanta sa kanyang Tito at Tita. Nang malaunan ay tinuruan na rin siya ng mga ito ng tamang pagkanta. Tinuruan din siya ng mga ito nang pagsasalita ng Tagalog. Nang lumaon, ay kasama na rin siyang kumakanta ng mga ito, na ang iba ay Tagalog pa.
Lumalaki siya, at alam din niyang may maganda siyang boses; na kung iinsayuhin lamang na maigi at bibigyan ng tamang kalinga, ay alam niyang malayo ang kanyang mararating.
LUMALAKI si Leah na iba sa karaniwan, lalo pa nga na kung iisipin na nag-iisang anak siya, at ang kanyang Mommy at Daddy ay kapwa manggagamot.
Hindi siya spoiled at hindi malaki ang kanyang ulo. Mahinhin siya, at may makalumang ugali. Marahil, ay dahil iminulat at pinangalagaan siya ng kanyang Tito at Tita sa ating mga luma at mararangal na kaugalian.
Mabait siya at may damdamin sa mga mahihirap. Marahil, ay sapagkat nakikita niya sa kanyang Tito at Tita, na sa kanilang munting kita ay nakapagpapadala pa ang mga ito ng munting halaga para sa kanyang iba pang mga Tito at Tita sa Pilipinas. Nakapapaaral pa rin sila ng mga pamangkin at ilang mga piling kamag-anak.
Marahil, ay sapagkat nakikita niya ang mga larawan ng kasiyahan at nababasa ang mga makaantig-damdaming mga sulat ng pasasalamat ng kanyang mga pinsan, kung natatanggap ng mga ito ang mga lumang laruan, damit at iba pang mga gamit (mga bagay na kanyang pinagsawaan at pinagkalakihan), na ipinadala ng kanyang Tito Pablo at Tita Menchie.
Teen-ager na siya at kapuna-puna ang hilig niya sa pagkanta. Nasa high school na siya at kapuna-puna rin ang kawalan niya ng hilig sa medisina. Sa isang anak na ang mga magulang ay parehong manggagamot ay natural at maraming umaasa na siya, ay magiging isa ring manggagamot.
Ngunit talagang wala siyang hilig sa medisina. Dalawa ang masasabing dahilan kung bakit wala siyang hilig. Ang una, marahil ay nakita niya kung gaano kaabala ang kanyang mga magulang. Ang pangalawa ay talagang wala siyang hilig.
Sa dugo nila, naiisip niya, ay dalawa ang genes na namumukod tangi. Ang una ay ang hilig sa medisina, at ang ikalawa ay ang hilig sa pagkanta. Nakuha niya ang hilig sa pagkanta.
Maunawain ang kanyang mga magulang. Hindi siya pinilit ng mga ito na kumuha ng medisina. Sinuportahan siya sa kanyang hilig. Pinakuha siya ng mga private singing lessons. Pinakuha ng voice culture. Pinadala sa mamahalin, pribado at primera klaseng music school upang magpakadalubhasa sa pagkanta.
Ngunit mahirap ang career na ito sa Canada. Malaki ang Canada ngunit maliit na market ang entertainment. Ang Hollywood ay naghihintay, ngunit sa hindi malamang dahilan ay hindi niya pinangarap na magpunta roon.
TINAWAGAN si Leah ng isa niyang kaibigan, si Jennnifer sa pagbabalik nito sa Canada, galing sa Pilipinas. Katulad niya, ang tanging hilig Jennifer ay pagkanta. Ibinalita sa kanya ni Jennifer ang naging maganda nitong kapalaran. Sikat na siya sa Pilipinas. May CD na siya. Madalas ay nagge-guest siya sa mga TV shows. Mayroon na ring nag-aalok na mag-artista siya. Kinayag niya siya na kung sasama siya sa kanya ay ipakikilala siya sa kanyang agent at manager. Ngunit ayaw niyang makitira sa kanyang condo dahil may live-in boyfriend ito.
NAGPASIYA siya.“Uuwi ako sa Pilipinas,” sabi niya sa kanyang Mommy at Daddy.
“Ha?”
“Gusto kong subukan doon kung mauumpisahan ko ang career ko sa pagkanta.”
“Mahirap doon lalo na kung wala kang kilala.”
“Kahit saan ay mahirap kung wala kang kakilala.”
“Pero, mas grabe doon.”
“May mga kilala akong mga tagarito at taga States na naging successful doon.”
ANG kanyang inuupahang tirahan ay isang primerang klaseng condo sa Quezon City. Binabayaran ng kanyang Mommy at Daddy ang mahal na upa nito, na nagkakahalaga ng P40,000 isang buwan – na isang kayamanan na ng isang mahirap. Naritong lahat ang luho ng isang marangyang pamumuhay: jacussi, sauna bath, gym, tennis courts, swimming pool. Ikot ng matataas na bakod ng kaligtasan ang compound na ito.
Payapa ang mga nakatira rito sa kaligtasang dulot ng mataas, may barbed wire o basag na bote sa itaas na mga pader na bakod. Payapa rin sapagkat nagkalat ang mga handang mangagat na malalaki at mababagsik na mga aso.
Ngunit nasisindak si Leah paglabas ng compound, sapagkat sa labas ay naghihintay ang isang ganap na kabaligtaran. Nagkalat ang kahirapan. Nakapanlulumo ang tanawin. Nakaririmarim ang dumi ng kapaligiran.
SA layong mga isang kilometrong sa kanilang compound ay isang malaking panulukan. Ang panulukang ito ay saksi sa isang malupit na katotohan. Dito matatagpuan ang mga pinakaawa-awa sa daigdig ng mga kaawa-awa: mga batang gusgusin at madudungis, mga batang dapat sana ay nasa paaralan at nagsisipag-aral. Ngunit narito sila upang kumita ng isang maliit na halaga; sapagkat sa kanilang murang gulang, ang munting kita ay nangangahulugan ng buhay o kamatayan sa kanilang pamilya.
Ngunit sa daigdig na iyon ng kahirapan ay may nakatawag sa kanyang mapanuring pansin. Marahil, ay dahil naiiba ang tinda ng batang iyon – MGA KUWINTAS NG MABANGONG SAMPAGITA.
SAMPAGITA ALE!!! SAMPAGITA!!!….SAMPAGITA MAMA!!!…SAMPAGITA!!!. BILI NA KAYO NG MABANGONG KUWINTAS NG SAMPAGITA.
Marahil, ay dahil nakita niya sa batang iyon ang malaking kaibahan at ang hindi pagkakapantay-pantay ng buhay. Na noong siya ay nasa ganoong gulang ay ibang iba ang kanyang buhay – na isang ganap na kabaligtaran sa batang iyon. At sa paglalakbay sa kabilang panig ng daigdig, ang daigdig na kanyang magiging pansamantalang tirahan ay magiging piping saksi sa kanyang nakitang malupit na katotohanan.
SAMPAGITA ALE!!! SAMPAGITA!!!….SAMPAGITA MAMA!!!…SAMPAGITA!!!. BILI NA KAYO NG MABANGONG KUWINTAS NG SAMPAGITA.
BABAGAL-BIBILIS-HIHINTOang taksing kanyang sinasakyan. Bubuksan niya ng mga kalahati lamang ang kanang bintana sa hulihan ng sasakyan. Mabilis niyang iaabot ang P50.00 sa batang iyon at mabilis ding ibibigay sa kanya ng batang iyon ang mabangong kuwintas ng sampagita.
Naging suki siya ng batang iyon. Araw-araw, tuwing umaga, ay naroon ang batang iyon sa panulukang iyon at hininintay siya. Tangan niya ang mabangong kuwintas ng sampagita.
SAMPAGITA ALE!!! SAMPAGITA!!!….SAMPAGITA MAMA!!!…SAMPAGITA!!!. BILI NA KAYO NG MABANGONG KUWINTAS NG SAMPAGITA.
IYO’Y isang araw na maaliwalas ang langit. Ang daloy ng trapiko ay mas mabilis sa pangkaraniwan. Katulad ng dati ay naroon ang batang iyon, hinihintay siya, tangan ang mabangong kuwintas ng sampagita.
Mabilis na nagpalitan ang hawak ng kanilang mga kamay.
Ngunit marahil, dahil sa mabilis ang takbo ng sasakyan, ay sumalay ang kamay ng batang iyon sa pagtanggap sa pera. Lumipad ang pera sa tama ng may kalakasang ihip ng hangin patungo sa harapan ng daloy ng mga naghahagibisang sasakyan.
Walang lingon-lingo’y hinabol iyon ng bata. At halos kasabay sa pagdampot niya sa lumipad na pera ay ang ingitan at iyakan ng mga preno ng biglang nagsihintong mga sasakyan “IIIIITTTTTT!!!,” at ang sigawan ng mga taong nakasaksi sa naganap na sakuna “ANG BATA!!!… ANG BATA!!!…ANG BATA AY NASAGASAAN!!!”
Nakalampas na ang taksing sinasakyan ni Leah sa panulukang iyon. Pasigaw na pinahinto niya ang sasakyan, “PARA! MAMA! PARA! SA TABI NA LANG AKO.”
“Dito lang ho sa kanto. Bawal ditong huminto,” sagot ng driver ng taksi.
Mabilis na huminto ang taksi sa hintuan ng mga sasakyan sa sumunod na kanto. Tinginan ni Leah ang metro ng taksi. Sinasabi ng metro: P142.75. Mabilis na iniabot ni Leah ang dalawang dadaanin sa driver ng taksi. Hindi na niya hinintay pang suklian siya.
Nagkakandarapa halos na bumaba siya sa taksi. Sa pagmamadali ay hindi na niya naisara ang pinto ng taksi.
Patakbong nagbalik si Leah sa pinangyarihan ng sakuna. Naroon ang bata, naiikutan ng mga taong nag-uusyoso at nagbibigay ng pansamantalang lunas.
Nakipaggitgitan siya sa mga naroong nakapaligid. Nakahinga siya ng maluwag, walang dugo sa pinagyarihan ng sakuna. Nakahiga ang bata sa kalsada, dilat ang mga mata, nakaunat ang tila bali ang mga butong kanang kamay at kanang paa. Hawak ng baling kamay ang limampung pisong mga labinlimang minuto lamang ang nakalilipas ay ibinayad niya sa batang iyon.
May nagbigay nang tiniklop na sweater at inilagay na tila unan sa ulo ng bata. May nag-alis ng kanyang jacket at tinakpan ang nakalantad na katawan ng bata. May lumuhod, kinalong ng kanang kamay ang ulo ng bata at pinainom ng bottled water. Sa sakunang naganap ay lumabas ang kabutihan ng tao.
Pumikit dumilat ang malalaki, maiitim na mga mata ng bata. Bumukas ang bibig nito, “IUWI N’YO NA PO AKO. IBIBIGAY KO PO ITO SA KAPATID KONG WALANG BAON SA PAG-AARAL.”
Lumuha ang mga nakarinig sa sinabi ng bata, kasama na si Leah. Narito ang isang sawinpalad, lupaypay sa pagkabali ng mga buto sa paa at kamay at ang iniisip ay ang kanyang nakababatang kapatid, sa halip na ang sariling kaligtasan. Sa murang gulang ay alam na ng batang ito ang ibig sabihin ng pananagutan.
May sumigaw, “CELL PHONE…SINO’NG MAY CELL PHONE. TUMAWAG KAYO NG EMERGENCY!!”
“MAY TUMAWAG NA, KANGINA PA.”
Sa di kalayua’y nagpipisik ng pulang liwanag ang ilaw sa bubong ng tumitili, nagmamadaling ambulansya.
Pagkuwa’y nasa tabi na ng sasakyang nakabundol sa batang iyon ang ambulansya. Mabilis na bumaba ang mga sakay nito. Dala ng isa ang first aid kit. Dala naman ng isa ang isang stretcher. Mabilis na pinulsuhan ang namumutlang bata. Nilagyan ng suporta at binalutan ng bandage ang baling kamay at paa. Inilagay sa stretcher. Binuhat ang stretcher at isinakay sa ambulansya. Isinara ang hulihang pinto ng ambulansya.
Kinausap ni Leah ang driver ng ambulansya, “Pwede hong sumama?’
“Sino kayo?”
“Nakasaksi lang ho sa aksidente.”
“Sakay na kayo.”
Sumibad ang ambulansya na ang ilaw sa bubong ay nagpipisik ng pulang liwanag at ang sirena ay tumitili. Tumabi ang ilang sasakyan bilang road courtesy at upang bigyang daan ang isang emergency.
IYO’Y isang malaking pampublikong pagamutan na sa unang paniniwala ay iisiping walang bayad. Pampubliko nga ito ngunit ang mga ward ay nahahati sa walang bayad at sa may bayad.
Isinugod ang batang iyon sa emergency room. Dahil sa siya ay sakay ng ambulansya ay inuna siyang gamutin ng doctor on duty.
Tapos na ang paglalagay ng cast sa paa at kamay ng batang iyon. Sinabi ni Leah na dalhin ang batang iyon sa may bayad na ward. Natunganga ang mga nasa upisina. Hiningan siya ng mga identification. Hiningan din siya ng down payment, ayon sa dami ng araw na akala nila ay itatagal ng batang iyon sa pagamutan. Nagbigay siya ng personal cheque.
Wala na ang bisa ng anestisya. Gising na ang bata. Sa pagbukas ng mga mata nito ay nagtama ang kanilang mga mata ay sila ay kapwa nangiti.
“Kilala mo ba ‘ko?” pasimulang tanong ni Leah.
“Opo.”
“Sino ako?”
“Iyon pong bumibili sa akin ng sampagita.”
“Ano’ng pangalan mo?”
“Virginia po.”
“Saan ka nakatira?”
“Sa iskwater po.”
“Alam ko. Pero, saang lugar?”
“Sa tabing ilog po.”
“Saa’ng ilog?”
“Doon po sa mabahong ilog.”
Pinilit ni Leah na huwag matawa.
“Makinig ka.”
“Opo.”
“Kailangang malaman sa inyo ang nangyaring ito. Kung hindi ay hahanapin ka sa inyo. Mayroon kang p’wedeng tawagan para malaman ang nangyari se’yo.”
“Wala po.”
Sinabi ni Leah sa mga namamahala na kailangang ipaalam sa mga maykapangyarihan ang naganap upang hanapin ang mga magulang ni Virginia, at upang malaman ang kanyang pinanggalingan. Iminungkahi rin niya na kung maari ay ipaalam sa TV network na mayroong public service ang tungkol kay Virginia.
NAKAHIGA si Leah ng patagilid, nanonood ng mga balitang naganap ng araw na iyon. Walang ano-ano’y isiningit ang isang panawagan ng isang maliit, payat at humpak ang mga pisnging babae na sa suot na damit ay mawawaring nagmula ito sa isang abang pamilya. Hawak niya ang pinalakihang larawan ni Virginia.
Sa nagsusumamo, halos ay nagmamakaawang boses, siya ay nanawagan, “KUNG MAYROON LANG PONG NAKAKITA SA BATANG ITO AY PAKITAWAGAN LANG PO ANG TELEPHONE NUMBER. NG TV SHOW NA ITO. SIYA LAMANG PO ANG KUMIKITA SA AMIN.”
Sinabi ng announcer ang telephone No. Mabilis na itinala iyon ni Leah sa takip ng magasing pambabae na nakapatong sa end table.
Karaka niyang tinawagan ang mga numerong iyon upang makausap ang isang nanghihinagpis na Ina. Sinabi niya kung nasaan si Virginia. Sinabi rin niya na kung maari ay gusto nilang sila ay magkita kinabukasan ng alas diyes ng umaga.
IYO’Y isang nakakaiyak na pagkikita nina Aling Juana - na nabuhayan ng pag-asa, at ang kanyang anghel na tila galing sa langit. Sa pasasalamat ay halos lumuhod si Aling Juana kay Leah.
Ang kanilang pag-uusap ay nauwi sa buhay nina Aling Juana.
“Ano ho ang trabaho ng Mister ninyo?”
“Driver po ng jeepney dati, pero ngayon ay hindi na.”
“Bakit ho?
“May sakit po.”
“Ano hong sakit?”
“TB po.”
“Ano hong ginagawa niya ngayon?”
“Nagpapagaling po.”
“Pa’no ho kayo nabubuhay?”
“Naglalabada po ako at nagtitinda si Virginia ng sampagita.”
ANG mga palatandaan ay nagsasabing magiging isang tagumpay ang singing career ni Leah. May mga CD na siya. Katulad ni Jennifer ay madalas na siyang nagiging guest sa mga TV shows. Mayroon na rin siyang modeling contract.
Bumili na rin siya ng sarili niyang condo at sariling sasakyan. Kailangan niya ang driver, tagaluto at tagalinis.
Magaling na si Mang Ignacio, ang tatay ni Virginia. Kinuha ni Leah si Mang Ignacio bilang driver at si Aling Juana bilang tagalinis at tagaluto. Binabayaran niya iyo ng tatlong beses ang laki kung ihahambing sa iba - kasama na ang tulong. Ngunit may kasunduan: na sila ay aalis sa lugar na kanilang tinitirhan at sina Virginia at ang kanyang nakababatang kapatid ay mag-aaral na muli.
Isa ng malaking star si Leah. Ang kanyang naging karanasan ay naging pangunahing dahilan upang magtatag siya ng isang matagumpay na samahan upang tumulong sa mga batang katulad ni Virginia.
WAKAS
Add a Comment