Mga Gintong Kwento
Si Colonel at Ako
Scarborough, Ontario, Canada
February 2, 2010
 
 
Una kong nakita ang kaniyang dalawang nakakuwadrong larawan ng kami ay magpunta sa kanilang tirahan, na isang pangkaraniwang apartment sa kalagitnaan ng lungsod ng Toronto upang kunin ang mga padala ng aking biyenan.

Tahimik akong nakaupo sa kanilang sofa sapagka’t ang aking maybahay at ang kaniyang maybahay ay nag-uusap sa kanilang wika na hindi ko naiintindihan at sapagka’t hindi ko naiintindihan ay natural lamang na hindi ako makihalo at sumabad sa kanilang usapan.

Sa paggala ng aking mga mata ay natuon ang aking paningin sa dalawang larawang iyon - sa mga larawan ni Colonel noong siya ay nakasuot ng full uniform noong siya ay naninilbihan pa bilang Colonel sa Philippine Constabulary - na isang dating sangay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Sa isang larawan ay naka Pershing Cap siya. Sa harap ng Pershing Cap ay nakakapit ang sagisag ng Philippine Constabulary. Ahit ang buhok sa gilid ng kaniyang ulo sapagka’t sa panahong iyon ay hindi pinapayagan ang mahabang buhok sa mga kabilang at namumuno sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ang maikling buhok ay sagisag ng pagkakaroon ng disiplina at pagiging kagalang galang sa panlabas na kaanyuan. Unat na unat at matigas sa pagkakaplantsa ang sa pakiwari ko ay inilubog sa almirol na gawgaw na kaniyang unipormeng kulay kaki. Nakapatong sa kaniyang magkabilang balikat at hinawakan nang nakabutones na sakbat ang isang matigas na cardboard na may sukat na humigit kumulang ay dalawa sa limang pulgada at nababalutan ng telang velvet na kulay berde. Nakakapit sa velvet na tela ang tatlong kalahating pabilog na tila nikiladong buton na siyang sagisag ng kaniyang pagiging Colonel. Kung may baril siya sa kaniyang bayawang sa sandaling iyon ay hindi ko alam sapagka’t ang kaniyang larawan ay mula dibdib hanggang ulo lamang. Tiningnan ko ang kabuuan ng kaniyang mukha. Walang balasik ang kaniyang mga mata at sa tingin ko ay nakatingin sa akin ng deretso. Pormal ng pormal ang kaniyang mukha sapagka’t talaga yatang ganoon ang nasa militar, hindi p’wede ‘yong ngiti ka ng ngiti o tawa ka ng tawa. Malinis at kagalang galang ang kaniyang mukha sa pagkaka-ahit ng kaniyang balbas at bigote.

Sa isa pang larawan ay naka-full uniform din siya. Sa larawang ito ay kuha ang kaniyang buong katawan. Nakatayo ng deretso ang kaniyang tuwid, maselang katawan. Halukipkip niya ang kaniyang Pershing Cap. May maikling tubo ang malago, itim na buhok sa gilid ng kaniyang ulo at ang tuktok ay crewcut – ala Aguinaldo. Sapo ng holster na nakabitin sa pistol belt ang isang baril na hindi ko alam kung kalibre 45 o 38 magnum.

Nagka hangarin ako sa mga larawang iyon sapagka’t sa panahon ng aking kabataaan ay inisip ko ring pumasok sa buhay militar, hindi nga lamang natuloy sa kawalan ng ganap at kinakailangang katangian upang maging matagumpay sa larangang ito.

Na-alaala ko tuloy ang isa sa mga pag-uusap namin ng isa kong matalik na kaibigan noong kami ay nasa mataas na paaralan at kapuwa pinuno sa PMT (Preparatory Military Training).

“Pagkatapos natin ng PMT at basic ROTC ay magre-register ako sa Advance ROTC. Pagkatapos ay mag-e-enlist ako sa military,” sabi ko sa aking kaibigan.

“Hindi ka p’wede sa military.”

“Bakit?” tanong ko.

“Masyado kang mabait at saka masyado kang iyakin. Sa PMT, p’wede ka, pero sa tunay na military, ewan ko lang.”

“Gago! Anong malay mo?”

“Kilala na kita. At saka sa tunay na militar ay handa kang mamatay o pumatay kung kinakailangan. Kaya mo bang pumatay?”

“Sabi ng iba nakausap ko, sa umpisa raw e talagang mahirap dahil hindi ka pa sanay, pero pag sanay ka na, e bale wala na.”

“Kahit na anong sabihin mo, e sa tingin ko e talagang hindi ka p’wede roon.”

“O sige, kung hindi ako p’wede, e anong gagawin ko?”

“Mag-isip ka na ng iba.”

“Mag-a-artista na lang ako,” pabirong sabi ko.

“Mabuti pa. Basta pag artista ka na e huwag mo ‘kong kalilimutan, ha? Pag me’rong kukuwanin sa pelikula, e akong taga kuwan.”

“Hindi ka p’wede do’n.”

“Bakit?”

“Hindi p’wedeng pangit do’n. Loko! di nakaganti rin ako se’yo.”

At kami’y kapuwa natawa.

Sa pagitan ng pag-uusap ng aking maybahay at ng kaniyang maybahay ay nakasingit ako ng pagkakataon upang malaman kung sino ang taong iyon.

“Sino siya?” tanong ko, sabay turo sa mga larawang iyon.

“Mister ko noong siya ay Provincial Commander sa ‘tin.”

“Saang probin’sya?”

Sinabi niya ang lalawigan.

Hindi ko alam na naroon siya. Marahil ay naulinigan niya ang aking kauriratan sa katatanong ko sa kaniyang larawan. Lumabas siya sa kanilang kuwarto.

Naka puting house coat si Colonel ng siya ay lumabas sa kanilang kuwarto. Natatakpan ang kulay puting house coat and kaniyang suot na kulay asul na pajama. Naka tsinelas siya at ang kaniyang mga paa ay nababalutan ng kulay itim, wool na medyas upang malabanan ang nangangagat na lamig ng panahon.

Lumapit siya sa akin. Sa kaniyang paglapit ay tumayo ako bilang paggalang sa isang taong sa pakiwari ko ay dapat igalang.

Nagkamay kami. Hindi na kahigpitan ang kaniyang mga hawak. Sa aming pagkakamay ay nakatingin siya ng deretso sa akin at ako ay nakatingin ng deretso sa kaniya. Ito ang kainaman nang ngayon lamang kayo nagkita. Wala ka pang itinatago o inililihim sa kaniya, at ang pagtingin ng deretso ay hindi problema. Nguni’t ito ay nasasa tao rin. May mga taong sanay na o natural na sinungaling at natural na mapagpanggap. Ang pagtingin ng deretso, nagsisinungaling man sila o hindi ay pareho. Mag-ingat kayo sa ganitong mga tao.

“Kumusta ho kayo?” magalang na bati ko.

“Ako si……” at sinabi niya ang kaniyang pangalan.

“Ako naman ho si…..” sinabi ko rin ang aking pangalan.

“Matagal ko nang naririnig ang iyong pangalan, kahit na ngayon lang tayo nagkita.”

Saglit akong nag-isip. Pinilit kong sariwain ang mga nakaraan na kung sa isang panahon ay may nagawa akong di pangkaraniwan, mabuti man o masama, sa kaniyang mag-anak o mga kakilala,o sa mga kabilang sa kaniyang pamilya na maari niyang matandaan. Ang ano mang bagay, para mamayani sa talaan ng mga ala-ala ay kinakailangang di pangkaraniwan. Ang pangkaraniwan ay malilimutan at maglalaho at matatangay sa agos ng panahon.

Aha! Naala-ala ko na. Na noong bagong dating dito sa Toronto ang kaniyang mag-anak ay binigyan namin sila ng isang mainit na pagsalubong at ipinasyal namin sa ganito at ganireng lugar. Ito’y maliit na bagay lamang, nguni’t sa isang nilalang na banyaga sa isang malaki at masalimuot na lunsod, ito’y isang karanasang hindi malilimutan. Sa kanilang pagkaligaw ay mayroong nagturo sa kanila ng tamang landas. Sa kanilang pangungulila ay mayroong nagbigay ng pag-asa.

Iba na ang ayos ni Colonel ngayon. Malaki na ang inihulog ng kaniyang katawan. Ang dating maselang katawan, ngayon ay payat na. Ang dating malago at maitim na buhok, ngayon ay halos puti ng lahat, ngunit ang lago ay naroon pa rin, crew cut pa rin - ala Aguinaldo. Ang dating pipi, matigas at maliit na tiyan, ngayon ay malambot at medyo nakausli na. Ngunit ang tindig niya, napansin ko, ay naroon pa rin - tuwid pa rin.

“Malaki na ang inihulog ng katawan ko rito,” pagpapatuloy ni Colonel.

“Napansin ko nga ho. Dahil ho iyon sa pagkakakulong n’yo rito sa bahay na para kayong naka-house arrest,” magmula sa kung saan ay pabirong sabi ko.

Natawa si Colonel. “Uuwi ako. Baka pag umuwi ako ay lumakas uli ako.”

“Palagay ko nga ho. Iba ho sa atin, lalo na pag retirado na kayo at saka sa probins’ya kayo nakatira. Hindi nakababagot ang buhay. Lumabas ka lang, e me kausap ka na. At saka ang mga tao, e kilala mong lahat. Kung medyo naiinip, mag-alaga ka lang ng mga manok, e malilibang ka na.

“Sang-ayon ako sa sinasabi mo. Lalo na ‘ko, me kapirasong lupa ako sa ‘min sa Pangasinan. Gusto ko na lang na magsakang muli, tutal, e iyon naman ang hilig ko no’ng araw. At saka hindi basta-basta pagsasaka ang binabalak ko, kundi ‘yong makabagong pagsasaka. Meron naman akong konting perang naipon dito na p’wede kong gamitin sa makabagong pagsasaka. Ano’ng malay mo, baka maimulat ko pa ang ilang mga mata ng ating mga kababayan."

“Sang-ayon ho ako sa sinasabi n’yo.”

Mula sa kusina ay lumabas ang kaniyang maybahay, dala ang aming miryenda. Ito ang sarap dalawin ang kapuwa mo Pilipino. Nakidala ka na, pami-miryendahen ka pa. Kung hindi ako nagkakamali ay baka doon pa kami manananghalian.

Bibingkang galing pa sa Pangasinan ang inihain sa amin. Umuusok pa iyon sa pagkakainit sa microwave oven at sa pagkakaalis ng balot na dahon ng saging ay umalingasaw ang bango at sarap ng lasa nito. Sinamyo ko ito. Naglaway ang aking bibig, ay ako’y tumakam. Kapeng bagong kaluluto sa coffee maker ang katambal ng bibingkang iyon.

Kami ngayon ni Colonel ay panatag na ang loob sa isa’t isa - na para bang kami ay talagang matagal ng magkakilala.

“Do’n tayo maupo,” at itinuro niya ang kanilang mesang kainan. “Para mas masarap ang ating kuwentuhan.”

Lumipat kami sa kanilang mesang kainan. Binuhat ni Colonel ang tray na kinalalagyan ng aming miryenda.

Kami ni Colonel ay magkaharap na sa kanilang mesang kainan. “Alam mo, hindi ko dapat sabihin ang mga sasabihin ko se’yo, pero parang me nagsasabi sa ‘king mapagkakatiwalaan kita.”

“Maasahan ho ninyo.”

Sinuma ko sa isip kung ilang taon na siya. Mahigit ng pitumpo. Kung mahigit na siyang pitumpu, samakat’wid ay nasa serbisyo na siya noong panahon ng mga Lava at ang mga Taruc at ang Hukbalahap, sa panahon ni Nardong Putik na ayon sa bali-balita ay may anting-anting, sa panahon ni Silvestre Liwanag alias Linda Bie, sa panahon nina Kumander Alibasbas na siyang nagmana sa Hukbalahap, sa panahon nina Kamlon sa Mindanao, sa panahon ni Flash Elorde sa larangan ng boksing, sa panahon nina Carlos Loyzaga at Carlos Badion sa larangan ng basketball, sa panahon nina Felicisimo Ampon at Johnny Jose sa larangan ng tennis, sa panahon nina Rodrigo Abaquita, Antonio Arzala, Jose Sumalde at Cornelio Padilla Jr. sa larangan ng karera ng bisikleta, sa panahon nina Sylvia la Torre, Larry Miranda at Ruben Tagalog sa larangan ng pagkanta, sa panahon nina Antonio Raymundo at Ofelia Angeles sa larangan ng balagtasan, sa panahon nina Johnny de Leon, Tiya Dely at Eddie Elarde sa larangan ng radyo at telebisyon, sa panahon nina Efren Reyes, Pancho Magalona, Nestor de Villa, Gloria Romero, Nida Blanca at Charito Solis sa larangan ng pinilakang tabing, sa panahon nina Jose Maria Sison at Kumander Dante at ang NPA, sa panahon ng Martial Law, sa panahon ng pagkakapatay kay Ninoy Aquino.

Pinag-usapan namin ang mga bagay na ito at siya ay humanga sa akin sa dami ng aking nalalaman. Hindi lamang niya alam na bata pa lamang ako ay mahilig na akong magbasa ng mga balutan ng tuyo, tinapa at tinapay, at ano mang mga lumang babasahing aking puwedeng basahin. Ito ang kainaman ng nagbabasa ng mga lumang babasahin, nababasa mo ang mga nakaraan.

Sa isang bahagi ng aming pag-uusap ay naitanong ko sa kaniya, “Sino ho ang pinakamatapang na nakalaban ninyo?”

“Si Kamlon.”

“Bakit ho?”

‘Private pa lang ako no’n. Ipinadala kami sa Mindanao at nasa front line kami. Ang hirap na kalaban ni Kamlon kasi hindi mo alam kung saan nanggagaling ang mga kalaban kasi nasa yungib sila.”

Mula sa kanilang kusina ay muling lumabas ang kaniyang maybahay dala ang dalawang bote ng beer na Labatt’s Blue at dalawang basong may lamang yelo. Ibinaba niya iyon sa aming harapan.

“Inom tayo kahit beer lang.”

“Hindi ho p’wede sa ‘kin ‘yan.”

“Bakit?”

“May gout ho ako.”

Natawa si Colonel. “Mayroon ka rin ba noon.”

“Oho.”

“Hindi ko alam masama pala sa gout ‘yang beer. Meron din ako niyan. Kaya pala parating namamaga ang mga paa ko kapag umiinom ako ng beer.”

“Hard, gusto mo?”

“Bawal din ho iyon. Basta ho me alcohol, e bawal.”

“E, anong iinumin mo?”

Orange juice lang ho, e OK na.”

Honey, pakikuha nga kami ng orange juice,” malumanay at mahinang utos ni Colonel sa kaniyang maybahay.

Nagpatuloy ang aming kuwentuhan. Ikinuwento niya ang ilan sa kaniyang mga karanasan noong siya ay Provincial Commander.

Malakas ang smuggling noong panahong iyon. Hawak ng mga smuggler ang mga makapangyarihang pulitiko: ang punong lalawigan, ang mga punong bayan at ang mga kinatawan. Malakas ang smuggling ng mga blue seal na sigarilyo: Salem, Union, Fortune, Marlboro. Malakas ang smuggling ng mga stateside na alak.

Isang araw, pagkatapos ng kaniyang trabaho ay umuwi siya nang mas maaga kaysa sa pangkaraniwan niyang pag-uwi. Sinalubong siya ng kaniyang bunsong anak na babae. “Daddy! Daddy! Marami na tayong pera,” tuwang tuwang sabi ng kaniyang anak.

“Ha! Saan tayo kukuha ng pera.”

“Naro’n Daddy.”

“Nasa’n?”

Itinuro ng kaniyang anak ang isang sakong nakalagay sa sulok ng kanilang salas. “May nagdala dito, para sa atin daw ito.”

Nilapitan niya iyon. Halos ay namumuwalan ang sako sa maingat na pagkakasalansan ng pera. Kinuha niya ang nakaipit na sulat. Binuksan niya ang sulat. Sinasabi ng sulat, “Merry Christmas.”

Walang nakalagda sa sulat, ngunit alam niya kung kanino iyon galing.

“Hindi sa atin ito. Isasauli natin.”

Sinabi rin niya: Sa isang sagupaan ng kaniyang mga tauhan at mga kabilang sa NPA ay napatay nila ang ilan sa mga tauhan at ang pinakapinuno ng pangkat na iyon.

Laman sila ng mga pangunahing pahayagan at nasa pambungad na pahina sila ng sumunod na araw. Naroon si Colonel. Sa isang larawan ay sinasabitan niya ng medalya ang kaniyang mga tauhan. Sa isa pang larawan ay ini-interview siya ng mga reporter.

Sa araw ng lamay, kasama ang ilang bodyguard ay pinuntahan nila ang burol ng punong nasawi sa labanang naganap. Nakasuot civilian sila nguni’t kargado sapagka’t maaring marami sa mga nakikilamay at nakikidalamhati ay mga kasama sa samahan.

Maingat at magalang na nagtanong sila kung sino ang balo ng namatay.

“Siya po.” magalang na sagot ng napagtanungan niya sabay turo sa isang babaeng nakaitim at mugto ang mga mata sa sobrang pag-iyak. Bata pa ang babae. Nasa pagitan lamang ng treinta hanggang treinta y sinco anos. Kalong niya sa kanang kamay ang isang batang lalaking mga isang taong gulang.

Nagpakilala siya at ito’y karakang nagulat ng malamang siya ay Colonel sa Philippines Constabulary.

“P’wede ho bang tayo ay mag-usap do’n sa walang makakarinig.” Mahina, mandi’y nakikiusap na sabi ni Colonel.

Pumanhik sila sa ikalawang palapag ng bahay na iyon. Walang makaririnig sa kanilang usapan sapagka’t ang burol ay nasa silong ng bahay.

Sinabi niya ang kaniyang sadya. “Nagpunta ho kami rito para makiramay.”

“Marami hong salamat.”

“Talaga hong ganyan ang g’yera. Talaga hong ganyan ang may ipinaglalaban. Nasa magkabilang panig ho kami. Maari rin hong kami ang mga nasawi.”

“Nauunawaan ko ho ang ibig ninyong sabihin.”

“Nagpunta rin ho kami rito para sabihin sa inyo na ang pamahalaan ay handang tumulong sa mga naiwanan ng mga taong kagaya ng Mister n’yo.”

“Ano naman ho ang tulong na ibibigay ng gobyerno.”

“Karaniwan ho ay may kinalaman sa pag-aaral ng mga bata at konting sustento para sa inyo. Ilan ho ba ang naiwanan ni Kumander.”

“Tatlo ho.”

“Mga ilang taon na ho sila.”

Ang panganay ho ay sampo. Ang pangalawa ay walo. At ito hong bunso ay mag-iisang taong gulang.

Inanyayahan niya ang balo sa kanilang kampo upang pag-usapan ang mga detalya kung ano ang mga maitutulong niya para makakuha ang mga ito ng tulong ng gobyerno.

TUMINGIN ako sa orasan. Lumingon ako kay Misis at sa pagtatama ng aming mga mata, kami ay nagkaunawaan.

Oras na upang kami ay umuwi. Nagkamay kami ni Colonel. “Magkikita ho uli tayo bago kayo umuwi.

Binabagtas na namin ang kahabaan ng Don Valley Parkway. Nag-exit ako sa Highway 401. Karerahan at sibaran ang mga sasakyan: Toyota, Honda, Nissan, GM, Ford, Chryler, Mercedes, BWM, Hyundai. Ang lahat ay nagmamadali, mandi’y hinahabol ang oras, sapagka’t sa buhay sa isang malaking lunsod, ang bawat minuto at bawat sandali ay mahalaga. Ang buhay sa isang malaking lunsod ay isang karera.

Sa aming pagkatangay at pagkalunod sa agos ng trapiko, ako ay nagmumuni-muni. Nakapagtataka na ngayon lamang kami nagkita, na ngayon lamang kami nagkausap, na ngayon lamang kami nagpalitan ng mga kuro-kuro ay kung bakit magaan ang aming loob sa isa’t isa. Na kung bakit kami ay nagbibigayan ng aming mga lihim, lalong-lalo na siya, sapagka’t siya ay isang dating militar, at sapagka’t siya ay dating militar ay natural lamang na siya ay marunong magtago ng mga lihim.

Sa buhay ng isang tao ay nagaganap ang isang hiwaga. Ang hiwagang ito ay nagmula sa ating puso at udyok ng ating isip. Na ang tao ay hindi mo kinakailangang makilala ng matagal para malaman mo ang tunay na katauhan. Na ang pagkakaibigan ay nagaganap sa isang kisapmata.

Sa sandaling panahon ng aming pagkikita, si Colonel at ako ay naging magkaibigan.

 
 

Add a Comment