Kaluluwa kaming tambing
Sa purgatoryo nanggaling…
Tuwing ika 1 ng Nobyembre, ipinagdiriwang ng mga Filipino ang Araw ng mga Patay. Walang pasok sa araw na ito. Karamihan sa mga Filipino ay nagtutungo sa sementeryo para dalawin ang kanilang mga mahal sa buhay na yumao na. Ang iba, bisperas pa lang ng araw na ito, ay pumupunta na sa sementeryo para maglinis ng puntod o nagbabayad sa sepulturero para linisin ang nitso nang namaalam ng mga kamag-anak.
Sa araw ng mga patay, hugos na ang mga tao sa sementeryo. Matao at Matrapik ang daan patungo sa mga sementeryo. Punung-puno rin ang mga dyip at bus. Sari-saring eksena ang makikita rito. Mayroong mga nagdarasal , may kumakain, may nagmimisa, may nagmamadyong sa ibabaw ng nitso, may nagsisindi ng kandila, may nag-aalay ng mga bulaklak, may nagrorosaryo, may nagsusugal, may nagpapatugtog ng cassette tape o tumutugtog ng gitara. At ang mga bata’y abala at naglilibang sa pagkuha ng tulo ng mga kandila. Mabiling-mabili rin ang serbisyo ng mga pari sa pagbebendisyon ng mga puntod.
Mabuti na lamang at wala ng tsubibo o karera ng daga dahil sa ipinagbabawal na yata ng pamahalaan. Kundi ang ibang sementeryo ay mistulang karnabal! Ang katwiran ng iba’y bakit nga hindi’y pista nga naman ng mga patay at pati na rin ng mga buhay at kailangang magsaya!.
Iba’t iba ang kahulugan ng Araw ng mga Patay sa iba’t-ibang Filipino. Para sa ibang tao, ang araw na ito ay banal pag-aalaala sa mga namatay na magulang, kapatid, asawa, anak, kamag-anak at mga kaibigan. Sinasariwa nila ang mga kabutihang nagawa ng mga namatay at magagandang alaala na naging karanasan nila sa mga ito. Ipinagdarasal nila nang mataimtim ang kaluluwa ng mga yumao na nawa’y manahimik na sa piling ng Poong Maykapal.
Sa iba naman, ang araw na ito ay araw ng pagsasama-sama. Dito nagkakatagpo-tagpo ang mga kamag-anak na hindi nila nakikita nang matagal na panahon. Masaya ang kanilang pagkukuwentuhan, balitaan (tsismisan) at kung minsan doon din sa mismong araw na iyon ang nagiging daan sa pagkakasundu-sundo ng mga mag-anak na malaon nang may alitan.
Ang araw ding ito’y nagpapaalala sa iba na ang lahat ay hahantong sa hukay o sa nitsong dinadalaw. Kahit sino ka pa man at anupaman ang katayuan mo sa buhay - maganda o pangit, mayaman o mahirap - sa ayaw at sa gusto mo’y hihimlay ka rin na siyang katotihanan.
Ang araw na ito ay pagpapakita ng ating mataos na bpaggalang at pagmamahal sa ating mga mahal sa buhay na namayapa na sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga bulaklak, pagpapamisa at pagdalaw sa kanilang mga puntod. Ang iba naman ay naghahanda ng paborito nilang pagkain o prutas at inilalagay sa ibabaw ng libingan (marahil ay minana pa natin sa ating mga katutubong ninuno at mga nandayuhang Tsino).
May iba’t ibang tradisyon ang mga Filipino sa pagdiriwang ng araw ng mga patay. Nagpapamisa o nagpapadasal sila para sa mga kaluluwa ng siyam na araw bago sumapit ang pista ng mga patay. Nagsisindi sila ng kandila sa tahanan at sa simbahan bilang pag-aalay sa mga namatay sa paniniwalang magbibigay ito nang liwanag sa kanilang landas tungo sa kaharian ng Diyos.
Ang iba naman ay naghahanda ng masasarap na pagkain dahil sa naniniwala silang dadalaw ang kanilang mahal sa buhay at kakanin ang naturang pagkain. Sa Bisaya ang tawag dito ay
Harang o pag-alay sa mga namatay.
Sa bisperas at sa mismong araw ng mga patay, nagtutulos naman ang ibang tao ng mga kandila sa harap ng kanilang bahay para tanglawan daw ang daan ng mga kaluluwa tungo sa dadalawing mga tahanan.
Noong nabubuhay pa ang aking nanay nagluluto siya ng matamis tulad ng puto, bibingka, kutsinta at ipinakakain sa amin at sa iba naming bisita na dumadalaw sa puntod.
Sa bisperas naman ng Araw ng mga Patay, kaming mga bata’y nananapatan sa bahay-bahay sa aming kalye at ‘
nangangaluluwa’ at kumakanta ng :
‘Kaluluwa, kaming tambing, sa purgatoryo nanggaling.’
Tuwang-tuwa namin kaming mga bata kapag binibigyan ng kendi, biskuwit at ilang sentimo ng mga taong aming tinatapatan. Ang
pangangaluwa yata ay ang Filipino bersyon ng Halloween o ‘Trick or Treat’ sa Amerika at sa iba pang kanluraning bansa. Ang kaibahan nga lamang ang mga nananapatan ay walang costume.
Anupaman ang pamamaraan ng mga Filipino sa pag-aalaala ng kanilang mga yumao, ang Araw ng mga Patay ay isang espesyal at banal na tradisyong maituturing na isang tunay na kulturang Filipino.