Sa tuwing magbabakasyon ako sa Pilipinas, lagi akong pumupunta sa Quiapo para magsimba at pagkatapos at maglakad-lakad sa paligid nito. Ewan ko ba kung bakit parang may batu-balaning humihigop sa akin para muling dalawin ang lugar na ito. Marahil ang malaking bahagi ng aking buhay ay nagugol sa pook na ito na kailanman ay hinding-hindi ko maaaring makalimutan.
Noong unang panahon, ang Quiapo ay daw isang maliit na bayan-bayanan na pinaninirahan ng mga mangingisda. Ang bayan daw na ito ay hinahati ng mga ilog, kanal at latian na kung saan matatagpuan ang maraming mga halamang-tubig na kung tawagan ay kuyapo. Kaya nga raw tinawag ng mga kastila itong Quiapo.
Noong huling mga taon ng ika 16 na siglo, ang munting bayang ito ay umunlad at naging sentro ng komersiyo dahil sa paglago ng mga tindahang-pangangalakal at mga pamilihang bayan. Kaya naman, ang mga mayayaman at mga ilustrado na dati-rati’y naninirahan sa Intramuros ay nahikayat na magtayo ng kanilang naglalakihang mansiyon at mararangyang mga tahanan sa pook na ito.
Bahagi rin ng atraksyon ay ang Santo Nazareno na dinala ng mga paring Rekoletos sa Pilipinas noong unang mga taon ng 1600 na siyang naging santong patron ng nasabing bayan.
Noong bata pa ako, sa Carriedo kami bumibili ng sapatos bago mag-Pasko. Noon ang Carriedo ay isang maluwang na daan na kung saan naghanay ang mga tindahang nagtitinda ng mga sapatos. Hindi katulad ngayon na di-mahulugang karayom sa dami ng tao at mga sidewalk vendor na naglalako ng kung anu-anong mga bagay - mula sa suklay, laruan, bimpo, damit, prutas, mais, mga kakaning nakalako sa kariton, magasin, lotions, CDs, DVDs, at iba pa (lalo pang pinagrabe nang itayo ang LRT noong panahon ni Marcos).
Tandang-tanda ko pa rin, ang aking nasirang lolo ay laging nagpapasama sa akin sa Raon (ngayon ay Gonzalo Puyat na) para bumili ng plaka o gamit sa Stereo at pagkatapos ay kumakain ng meryenda sa isang maliit na restaurant ng Intsik dito. Ang paboritong order ng lolo ko ay pandesal na may palamang corned beef at matapang na kape.
Noon, kasama ko naman ang mga nakatatandang kapatid kong nanood ng pelikulang Ingles sa Sine Ideal at Avenue Theater sa Avenida Rizal at kasama ko naman yong nanay ko at lola ko na nanood ng mga pelikula nina Susan Roces, Amalia Fuentes, Jose Mari, Nida Blanca, Charito Solis, Nestor de Villa at Lolita Rodriguez sa Sine Dalisay Theater. Paborito ng nanay ko si Susan Roces at Gloria Romero.
Tuwing Biyernes, nagsisimba naman kami ng nanay at tatay ko at ng aking mga kapatid sa simbahan ng Quiapo. Gustung-gusto kong magsimba kasi fascinated ako sa dami ng mga taong nagsisimba na taimitim na nagdarasal at lalong lalo na yung mga ‘namamanata’ na naglalakad ng paluhod patungo sa altar.
Yung lola ko na deboto sa Hesus Nazareno ay hinding-hindi nakakakalimutang ipahid ang kanyang may pabangong pañolito sa paanan ng among bago umalis sa simbahan (karay-karay rin ako ng aking lola tuwing ika 9 ng Enero sa Pista ng Quiapo kung saan ipinoprusisyon ang
Black Nazarene o Hesus Nasareno ). Pagkatapos ng simba, kumakain kami ng pansit guisado at mainit na siopao sa Mamon Luk Restaurant na nasa harapan ng Quezon Boulevard.
Your pictures of Quiapo are nice to look at. Your article reminds me of my past, too.