Dolphy
Pumanaw na ang Dakilang Mapagpatawa, ang Comedy King na si Dolphy, na ang tunay na pangalan ay Rodolfo Vera Quizon. Maraming Pinoy ang pinatawa ni Pidol sa nakalipas na 60 taon sa pamamagitan ng stage, radyo, pelikula at television. Ha,ha,ha!
Bukod sa pagpapatawa, si Dolphy ay kilala rin bilang isang DAKILANG MANGINGIBIG. Siya ay may 18 anak sa iba't ibang dilag na kanyang minahal at nagmahal din naman sa kanya. Ang pinakahuli niyang partner sa buhay hanggang tawagin ni kamatayan ay si Zsa Zsa Padilla, anak ng sikat ding dating actor at international boxing referee na si Carlos Padilla Jr. Sa hinog na gulang na 83 (84 anyos siya sa Hulyo 25), namaalam si Dolphy sa mundo kasama ang kanyang pagpapatawa. Nanatili siyang bachelor. "Send me the clown".
Kay John Porontong, este Dolphy, MAGSUMIKAP KA at sana ay makatagpo mo sa kabilang-buhay ang kapwa mga komedyante na naghihintay sa iyo, tulad nina Panchito, Mang Nano (Pugo), Babalu, Bentot, Lupito, Bayani Casimiro, Teroy de Guzman, Tolindoy, Patsy, Dely Atay-Atayan, Chichay, Bert Tawa Marcelo, Robert Redford, at iba pa. Hindi kita personal na kilala Mr. Comedy King dahil hindi ako isang movie scribe subalit nais kong ulitin ang nabasa ko sa isang broadsheet: "Thank you for the laughter." -------------------------- Mula sa Pnom Penh, Cambodia, nagkasundo ang 10 bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) tungkol sa code of conduct sa West Philippine Sea (South China Sea) sa layuning mapigilan ang armadong sagupaan sa nasabing karagatan. Hihingin din ng ASEAN ang pagsang-ayon dito ng higanteng China na umaangkin sa buong West Philippine Sea alang-alang sa pagpapanatili ng kapayapaan sa naturang area.
-----------------------------
Pahihintulutan na pala ng Philippine Military Academy (PMA) ang pagpasok ng mga gay (bakla at tomboy) sa prestisyosong paaralan para sa mga future leader ng AFP at PNP sa kondisyong hindi nila pananaigin ang kabaklaan at katomboyan habang sila ay nag-aaral. Sana naman AFP chief of staff Gen. Jessie Dellosa at PNP Chief Nick Bartolome, hindi maging FACIFICA PALAYPAY o mga T-BIRD ang magiging pinuno ng ating sandatahang lakas at pulisya!
--------------------------------
Kaylayo pa ng 2016 presidential elections pero bakit nagsusulputan na ang tambalang Jojo-Jinggoy at Mar-Chiz? Dapat tandaan na ang maging Pangulo ng bansa ay isang DESTINY. Sino ang mag-aakalang magiging presidente ang isang maybahay na gaya ni Tita Cory o kaya ay ni PNoy gayong si Sen. Mar Roxas ang ikakandidato ng LP noong 2010? Sa puntong ito, hindi malilimutan ng mga Pinoy ang pahayag noon ni Dolphy na dahil sa katanyagan ay inaamuking kumandidato: "Madali ang tumakbo, ngunit kung manalo ako, ano ang gagawin ko?"
---------------------------------------------------------------
Sina VP Binay at Sen. Koko
Plano ng administrasyong Aquino na ihain sa Kongreso at pagtibayin ang mahigit sa P2 trilyong pambansang budget para sa 2013 upang matamo ang 6.7 porsiyentong paglusog ng ekonomiya ng bansa. Ang nasabing halaga, ayon kay Budget Secretary Florencio "Butch" Abad ay gagamitin sa mga proyektong pang-impraistraktura, gaya ng malawakang kontruksiyon at pagpapakumpuni ng mga lansangan, airports, at iba pang pagawaing-bayan. Sana ay magamit ang nakalululang national budget na ito, at hindi lang ma-shoot sa mga bulsa ng masisiba at damuhong pulitiko at tiwaling lider ng bayan!
Nag-isyu si PNoy ng Executive Order 79 tungkol sa bagong mining policy noong Hulyo 6. Batay sa EO 79,ang pagmimina ay ipagbabawal sa mga protected area, agrikultural, pangisdaan, at tourism sites gaya ng Boracay at Palawan. Matutuwa rito ang mga mangingisda, magsasaka, at katutubo na biktima ng mayayaman at maiimpluwensiyang mining operators na lumalapastangan sa kanilang lupain na tirahan nila sa loob ng daan-daang taon.
May mga report na hindi raw nag-uusap o nagpapalitan ng mga text message sina Vice Pres. Jejomar Binay at Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III sapul nang kumalas ito sa UNA (United Nationalist Alliance). Si VP Binay ang chairman ng PDP-Laban at si Sen. Koko ang pangulo nito. Nakipag-alyansa ang partido sa Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni ex-Pres. Estrada para sa 2013 senatorial elections. Ngunit ayaw niyang makasama si ex-Sen. Migz Zubiri. Di ba may kasabihan na sa pulitika, walang permanenteng kaibigan o kaya ay kaaway? Di ba si ex-Sen. President Eulogio "Amang" Rodriguez ang nagsabi noon na ang pulitika ay "addition?" Pero sa kaso ni Sen. Pimentel, parang ang pulitika ay "subtraction"sa kaso ng UNA.
May mga ulat na iniimbestigahan si Rep. Mikey Arroyo (Ang Galing Pinoy) at ginang ng United States dahil sa usapin ng Money Laundering. Kinumpima ito ni DOJ Sec. Leila de Lima. Talaga nga naman ang gulong ng buhay. Noong araw na ang ina niya ang Pangulo, nakikita ko sa session hall na kayraming kongresista ang "sumisipsip" sa kanya, tumatabi, umaali-aligid. May balitang siya at ang kapatid na si Rep. Dato Arroyo ang nasa likod ng pagpapatalsik noon kay ex-Speaker De Venecia. May nagsasabi naman na isang dahilan din ng ouster ni De Venecia ay ang mahinang liderato ng kanyang media officer noon.
Magpupulong daw sina Sen. President Juan Ponce Enrile at Speaker Feliciano Belmonte tungkol sa muling pagbuhay ng Cha-Cha (Charter Change). Sila ang mangunguna sa "pagsayaw" ng Cha-Cha para palitan ang presidential form para maging parliamentary. Kung mababago kaya ang uri ng ating gobyerno, titino na ang mga pulitiko at lider ng bansa? Itanong nga ninyo ito sa mag-CUMBACHERONG Anthony Taberna at Gerry Baja na panay ang tawa habang nagkokomento!
Bert de Guzman