Pagka-makabayan, nakaligtaan na nga ba?
Riyadh, Saudi Arabia – “Ang hindi marunong lumingon sa kanyang pinaggalingan ay hindi makararating sa kaniyang paroroonan,” isang salawikain na nagpapaalala sa atin para pahalagahan ang ating lahing pinagmulan.
Likas sa mga Pilipino ang pagiging masayahin at mapagmahal sa Inang Bayan. Hindi ito lingid sa mata ng publiko, sapagka’t pinatutunayan ito sa mga panahong ang ating bansa ay nasa kasubukan; kung si Manny Pacquiao ay may laban; kung bawat Pilipinong indibidwal ay nakagawa at patuloy na gumagawa ng pangalan sa larangan ng musika, sa buong mundo, kagaya nina Lea Salonga, Charice, Arnel Pineda, Jessica Sanchez at marami pang iba, na naglagay sa Pilipinas sa pedestal. Ito ay mga pagkakaton na nagpapakita ng ating pagkakaisa, hindi natitinag at sumusuko sa hamon ng mapangahas na makabagong panahon at higit sa lahat, handang lumaban para sa bayan. Isa rin itong indikasyon ng pagpapahalaga at patuloy na pangangalaga sa pamana ng ating mga ninuno, ang mayabong nating lahi at kultura.
Sa dakilang katangian ito na mayroon tayo, sapat na bang maituturing ang masabi na mahal natin ang bansang Pilipinas? Na ito’y ating pinahahalagahan at inaalagaan? Marahil, sa pananaw ng karamihan, ito ay sapat na sapagka’t naipapakita naman natin ito sa pamamagitan ng pagkakaisa, sa marami ng pagkakataon. Bilang bahagi ng pagsusuri, bakit hindi natin masinsinang alamin ang ating pamamaraan sa kasalukuyan; ang kalakaran sa modernong panahon mayroon tayo na maaaring magbukas sa ating diwa’t isipan. Ano ang mga dahilan na magpapatunay ng pagkilala sa ating lahing pinagmulan. Mayroon na ba tayong mumunting naiambag para sa Inang Bayan?
Ito’y ilan lamang sa mga katanungan sumagi sa aking isipan na sa aking palagay ay atin ng nakaligtaan. Bagama’t palasak na katotohanan, atin na ngang napatunayan ang pagkakaisa at pagkakapit-bisig bilang pagkilala sa dakilang pagmamahal natin sa lupang tinubuan. Nguni’t, bakit hindi natin bigyang-pansin, suruin at balangkasin ang kasalukuyang kaganapan na sasagot sa ating mga katanungan.
Una, marami sa mga produktong Pilipino ang ating maipagmamalaki, na sa kabutihang-palad ay tinatangkilik ng mga dayuhan. Patunay lamang ito sa angking galing at kalidad ng produkto mayroon tayo. Saklaw nito ang lahat ng komersyo, maging ito man ay pagkain, kasuotan, kagamitan, mga palamuti at iba pa. Pero, sa likod ng tagumpay at pagkilala sa mga produktong ito, masasabi ba natin atin itong niyakap at sinuportahan? Hindi nga ba’t mas ninanais natin bumili ng mga mamahalin o
imported na gawa sa ibang bansa at kinalimutan na ang gawang Pinoy. O marahil dala ng paniniwalang ito ay imported at branded.
Pangalawa, nagkalat sa lansangan at mga pamilihang bayan, maging sa mga shopping malls ang mga produktong gawa sa Tsina. Halos lahat ng klase ng produkto ay nasakop na ng komersyong Tsina. Lingid sa ating kaalaman, di hamak na mas matibay at maganda ang kalidad ng produktong gawa sa atin pero, masakit isipin na mas tinatangkilik ang gawang Tsina. Dahil ba ito’y mas mura kumpara sa ating produkto na may konting kamahalan o dahil sa ito’y “
Made in the Philippines” lamang? Sana maisip natin na sa bawat piraso ng produktong Pinoy na ating bibilhin, malaking tulong para sa ating kapwa Pilipino, mga maliliit na mamumuhunan na patuloy na nagsusumikap para sa sariling kabuhayan at katagumpayan ng produktong Pilipino.
Pangatlo, ang isa sa nangungunang kalakaran sa ngayon, ang turismo. Madalas mas nauna pa nating libutin ang mga lugar sa buong mundo kaysa sa mga lugar sa ating sariling bayan, sa paniniwalang mas magaganda ang mga tanawin dito. Pero ang hindi nakikita ng ating mga mata, ay ang likas na ganda ng bansang Pilipinas na siyang dinarayo ng mga turista na nagmula pa sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Sa katanuyan, kailan lamang ay tinanghal na “World’s Best Island” ang Boracay, Philippines at “Best Hotel Spa in Asia” naman ang Discovery Shores Boracay, ayon sa isang magasin na Travel + Leisure, na nilabas nitong buwan ng Hulyo. Isang patunay lamang sa natural na ganda ng Pilipinas.
Ito’y ilan lamang sa mga pangyayari na ating nabalewala at nakaligtaan na. Marahil dala ng mabilis na takbo ng panahon kaya ang mga pagbabago ay nakakalulala na. Ganun pa man, sana maging huwaran natin ang ibang bansa, kagaya ng bansang Hapon na may malalim na pagmamahal at pagpapahalaga sa kanilang sariling kultura. Kapag ito‘y ating naisa-puso’t naisaisip, maaring kahit papaano’y maisakatuparan na ang matagal ng mithiin ng bawat pamilyang Pilipino, ang mamuhay ng masagana at matiwasay. Bagama’t ito’y ilan lamang sa mga dahilan sanhi ng pangyayari sa kasalukuyan, nasa sa atin pa rin ang desisyon sa kung paanong paraan natin maipapakita ang dakilang pagmamahal at pagpapahalaga sa ating Inang Bayan. Dahil ang gampanin na ito ay saklaw lamang ng ating mga sarili, bilang isang mamayanang Pilipino. Ganun pa man, ating pakatandaan, “It’s More Fun in the Philippines.” (Marlon B. Vicente, an OFW based in Riyadh, Saudi Arabia. E-mail at
m.vicente21@yahoo.com)