CGMA, tatakbo uli
Tiyak daw na muling tatakbo sa pagka-kongresista si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) sa ika-2 distrito ng Pampanga. Ayon naman sa Palasyo ng Malacanang, malaya si Ate Glo na kumandidatong muli dahil karapatan niya ito. By the way, manhid na raw siya sa mga batikos, paninisi at akusasyon kung kaya ang tutukan niya ngayon ay ang paglilingkod sa kanyang mga CABALEN. Sigaw ng mga Cabalen ni CGMA: Mahal ka namin Atching Glo. sige iboboto ka uli namin!
Baker Atyani
Nagkaloob nga ba ng malaking halaga (ransom) ang foreign negotiators para makalaya ang dayuhang journalist na si Baker Atyani na hinostage daw ng tulisang Abu Sayyaf Group (ASG) sa kabundukan ng Sulu? Sino ang mga banyagang negotiator na ito? Gayunman, ayaw daw ni Atyani na lumaya dahil gusto niyang pakawalan din ang dalawang Filipino crewmbers na kasamang dinukot ng ASG, sina cameramen Rolando Letriro at Ramelito Vela. Kung totoo na may ransom na ibinigay, masaya na naman ang mga bandido sa Sulu at Basilan dahil may magagamit na naman sila sa kidnapping, pambili ng mga armas at pagsasagawa ng karahasan!
Panawagan ni Pangulong Pnoy: Balanseng media
Noong nakaraang Biyernes, nanawagan si PNoy sa media na maging balanse sa pag-uulat ng mga balita, na sana ay magreport din ito ng magaganda (good news) at iwasan ang sensationalism na ikinadidismaya ng mga mamamayan kung kaya hindi makamit ang positive developments para sa bansa. Tama ang panawagan ng binatang Pangulo, pero Mr. President ang mga ulat ng media (print, TV at radio) ay pawang repleksiyon lang ng nagaganap sa bansa. Hindi naman siguro sila umiimbento ng mga kuwento, kababalaghan at kasinungalingan.
Di ba totoo na dinuduro tayo ngayon ng China at nanghihimasok sa karagatan na saklaw ng Pinas? Di ba totoong walang magawa ang AFP, Philippine Navy at Philippine Air Force sa Panatag Shoal dahil walang kakayahan na harangin o hulihin ang Chinese fishing vessels sa pangingisda? Ganito rin ang paglaganap ng krimen na kagagawan ng riding-in-tandem, akyat-bahay, carnapping, at iba pa. Of course, iba naman ang mga opinyon ng anchormen.
Ang panawagan ni P-Noy ay ginawa sa ika-25 anibersaryo ng ABS-CBN TV Radyo Patrol na ginanap sa makasaysayang Manila Hotel. Bagamat hindi tinukoy, dito ay pinasaringan niya si broadcaster Noli "Kabayan" de Castro, dating Vice President, bilang perfect example sa diumano ay pagtatampok sa negatibong anggulo ng isang balita sa halip na banggitin din at bigyang-diin ang positibong anggulo. Mga Kababayan, kelangang sagutin ito ni Kabayan upang maliwanagan ang mga Pinoy!
Bert de Guzman