(To those who believe, no words are necessary and to those who do not believe, no explanation will be enough.)
Ang kasabihang ito ay natatak sa aking utak at kaisipan noong napanood ko ang pelikulang
" The Song of Bernadette. "
Ang pagpapakita ng Mahal na Birheng Maria kay Bernadette Soubirou ay marami ang hindi naniniwala pati na angpagpapagaling sa maraming may-sakit. Lubusang nakakita ang isang taong bulag. Ang isang batang may lupus ay gumaling. Maraming pilay at pilantod ay nakalakad at iniwanan nila ang kanilang mga tungkod at saklay sa grotto tanda ng pasasalamt sa kanilang tinanggap nang biyayang milagro. Pinagdududahan ng maraming kulang sa
pananampalataya, samatalang maraming naniniwala sa panig ng mga may tiwala sa kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng intercession ni Birheng Maria.
Karamihan sa ating mga Filipino ay relihiyoso at ang paniniwala sa Diyos ay ating pinagyayaman. Sa atin, ang mga milagro katulad ng mga naganap sa bayan ng Lourdes sa Francia ay totoo at ang mga iyon ay kaloob ng Diyos. Sa mga naniniwala, hindi na kailangan ang anumang paliwanag ngunit sa mga taong wala o kakaunti ang pananampalataya, kahit anumang pagpapaliwanag ay hindi makakasapat upang sila' ay lubos na mapaniwala.
Ang kasabihang ito ay hindi likas na katutubong Filipino subalit ang kahulugan nito at pagpapahalaga dito ay akmang akma sa katauhan ng mga Filipino na mayroong mataimtim na panampalatay sa Maykapal. Kaya bagay lamang at angkop na ibilang ang naturang kasabihan sa hanay ng mga katutubong kasabihang Filipino.
Sa pang araw-araw na buhay, sa kalakal at negosyo, kapag buo ang iyong tiwala sa kakayahan at katapatan ng isang kaibigan, ibibigay mo sa kanya ang iyong pagtitiwala at pananalig. Sa kabilang dako kung ikaw ay walang paniniwala sa isang tao, walang pangungusap at papaliwanag ang makahihimok sa iyo upang magtiwala ng lubusan sa kanya.
Ang kasabihang " Ang taong lubos ang paniniwala, hindi na kailangan ang salita. Sa taong ang tiwala'y di sapat, walang paliwanag na katapat " ay hindi lamang naangkop sa mga Filipino kung hindi na rin sa buong mundo.