Manny Asuncion
If you are reading this note, you must have accessed this page directly through a bookmark or an external link. Please be advised that www.mnnetherlands.com recently underwent a re-structuring and that this page has been renamed and moved to a new directory, and will eventually be phased out. Click the SEARCH button below to locate this page's upgraded version.


Tag-Lagas sa Buhay
ni Mang Fermin
Victoria, Australia
November 5, 2008
 
 
Iyon ang kanyang ama.

Isang yayat na nilalang na tuluyan nang iginupo ng panahon. Waring isang manipis na papel na kay putla at kay daling punitin. Sa pagkakahiga niyang yaon na nasasaksakan ng kung anu-anong suwero, mistula na siyang bangkay kundi lamang sa nag-aagaw-buhay na ingay ng kanyang paghinga mula sa taas-babang pagtahip ng yayat na dibdib.


Apat na araw ng nasa ospital ang kanyang ama. Ang apat na raw na iyon ay tila walang hanggang pangamba at pagdurusa para sa kanilang magkakapatid.

Ang kanilang ama.

Si Mang Fermin. Ilang buwan lang ba ito sa Australya? tatlo? apat?

Inapuhap niya ang nakaraan sa kanyang naguguluhang isipan. Disyembre.

Oo nga. Disyembre noong dumating ang ama mula sa Pilipinas. Tuwang-tuwa siya. Sila. Ng kanyang asawang si Liling at ang kanyang limang taong gulang na anak na si Gilbert.

Halos umapaw din sa kagalakan ang kanyang ama nang magkita sila sa Melbourne International Airport. May mga pasalubong pa nga ito para sa kanila at sa kanyang mga apo. Baril-barilan para kay Gilbert.

Muling nag-sugpong ang tulay ng nakaraan sa kanilang pagkikita. Halos sampung taon din hindi niya nakita ang tatang niya Sa panahong iyon, tanging mga sulat at mga christmas cards lamang ang nag-ugnay sa kanilang mag-ama.

Nagkamali ba siya?

Ayaw ng kanyang kuya Elmer na kunin ang ama sa Pilipinas.

“Matanda na ang Tatang. Malulungkot lang siya rito” ang mahigpit na tutol ng nakatatandang kapatid.

Nagdamdam siya noon sa kapatid. Bakit naging ganito ang pag-iisip ng kanyang kuya?

“Mas marami siyang mga kaibigan doon. Mas magiging maligaya siya sa Pilipinas,“ dagdag pa nito.

Pero iba ang kanyang pananaw. Kailangang maranasan ng ama ang buhay sa ibang bansa. Alam niyang magiging maligaya ito rito. Masarap na pagkain. Mabuting klima. At higit sa lahat, makikita nito ang mga kinasasabikang mga apo.

Alam niyang talagang nagsakripsiyo ang kanilang ama alalang-alang sa kanilang kinabukasan. At ngayong matanda na ito, dapat lang na suklian siya ng kaginhawahan.

“Nitong mga huling buwan, nagiging masasakitin si Tatang, ”iyon ang sulat sa kanila ni Ate Salud. “Sabi ng doktor , mahina raw ang kanyang puso. May alta presyon pa raw. Pero ngayon, mabuti-buti na dahil sa may iniinom na mga gamot” dagdag pa ng kanilang ate.

Dahil sa sulat na ito, lalo siyang nagpursigeng makuha ang ama. Dito sa Australya, matitignan siya nang husto ng mga doktor. Maraming ospital dito na may mga makabagong kagamitan at mga espesyalistang susuring mabuti ang anumang sakit ng ama. Pero sa kanilang munting bayan…

Bahagyang umingit ang ama. Dagli niyang hinawakan ang butuhang kamay nito. Pinisil nang mahigpit na para bang nagbibigay ng katatagan.

Narito ako, Tatang,” ang mahinang wika niya.

Tama ba ang kanyang ginawa?

Kahapon, nagkaroon sila nang mainit na pagtatatalo ng kanyang kuya Elmer.

“Kundi mo dinala si Tatang dito, malakas pa sana siya hanggang ngayon,” ang nanginginig na bulyaw nito.

Nagpupuyos ang kanyang damdamin sa bintang ng kapatid. Gusto niyang sugurin at suntukin ang kanyang kuya Elmer. Salamat na lamang at napigilan siya ng asawang si Liling at inilayo naman ng hipag niyang si Gloria ang kuya niya.

“Kung mamamatay si Tatang, kahit saan, mamamatay siya!” ang mariin niyang bawi.

Masaya ang kanyang Tatang sa mga unang linggo niya sa Australia. Ipinasyal nila siya sa magagandang pook ng Victoria. Tuwang –tuwa rin ito nang makita ang mga apo. Isa sa kanya at tatlo sa kanyang kapatid na si Elmer at kagampan pang si Gloria.


Sabi ng ama, lumalaki na ang tribu nila. Masaya na raw itong lilisan sapagkat nakita na niya ang pagpapatuloy ng kanyang angkan.

Laking gulat niya noong sinundo nila ang ama sa airport. Kay laki ng itinanda nito. Ang dating siksik na katawan ay naging mahagway na ngayon. Sa tingin niya, lumiit ang kanyang ama. At hindi nakaila sa kanya ang halos puti nitong buhok.

Ipinitisyon siya sa Australya ng kanyang Kuya Elmer. Kagagaling lamang niya sa Saudi Arabia noon. Nagtrabaho siya roon ng halos limang taon bilang empleyado ng isang kompanyang Amerikano.


Napilitan siyang mag-abroad dahil sa napakaliit ng kanyang kita sa pinapasukang opisina bilang accountant sa Escolta. Sa Maynila sila noon nakatira at umuupa sa isang maliit na apartment sa Pasay. Bihira silang umuwi sa probinsiya dahil nga kapwa silang abala sa trabahong mag-asawa.

Noong mag-abroad na ang ilan niyang kapatid, niyaya niya ang kanyang ama at si Ate Salud na manirahan na sa kanila. Pero ayaw roon ni Mang Fermin. Masyado raw maingay. Tama na lang raw na manirahan sila sa maliit nilang probinsiya. At isa pa, hinding-hindi raw nito maaaring iwan ang tahanang ipinundar nilang mag-asawa. Para sa ama niya, talagang maraming magagandang bagay ang nagpapaalala sa kanya sa bahay na iyon.. Isang retiradong health inspector ang kanyang ama.

Tandang –tanda pa niya, noong maliliit sila, na lagi itong nakabisikleta sa pagpasok sa trabaho. Tanda pa rin niyang madalas silang isinasakay ng ama sa bisikleta nito at inililigid sa bayan kung walang pasok o kung araw ng Sabado at Linggo. Di naglaon, lahat sila ay tinuruang magbisikleta ng ama.

Naudlot ang kanyang pagmumuni-muni nang dumating ang isang nars upang kunan ng temperatura ang kanyang ama.

Tinapat na sila ng doktor kahapon. Himala na lamang daw ang makakapagpagaling sa ama. Paralisado na halos ang buong katawan ni Mang Fermin. Hindi na maaaring makapagsalita.

Hindi siya makapaniwala. Bakit ganon? Ngayon pa namang makakaranas na ang ama ng kaginhawahan ay saka pa ito nagkaroon ng karamdaman. Ngayon pa namang ipakikita niya sa tatlong kapatid na mali ang pag-iisp nila. Hindi niya matanggap ang katotohanan.

“Magiging maligaya si Tatang sa Australya. Sisiguruhin kong ibigay ang lahat ng ginhawa sa kanya!”

Maagang nabiyudo si Mang Fermin. Namatay sa panganganak ang maybahay niya nang isilang ang kanilang bunsong si Estela. Halos magpipitong taon pa lamang siya noon. Si Ate Salud, ang kanilang panganay ay labingtatlong taon. Si Kuya Elmer niya ay sampung taon, Si Dino na sumunod sa kanya ay limang taon. Sa murang gulang, si Ate Salud na ang tumayong ina mula nang namayapa ang butihing ina.

Hindi na nag-asawa pang muli si Mang Fermin. Bagkus, ibinuhos na lamang nito ang buong panahon sa pagtataguyod sa mga anak hanggang sa sila’y isa-isang nagsipagtapos. “Mahirap lang tayo, ang tanging maipapamana ko sa inyo ay ang karunungan mula sa pagpapaaral ko sa inyo! Magsipag-aral kayong maige!” ito ang madalas na payo ng ama sa kanilang magkakapatid.

Lahat naman sila ay maluwalhating nakatapos ng pag-aaral. Ang kanilang panganay na si Ate Salud ay nakatapos ng pagkaguro na ngayon ay nagtuturo sa mababang paaralan sa kanilang bayan; si Kuya Elmer ay pagka-inhinyero, si Dino ay pagkadoktor at si Estela ay komersiyo. At siya naman ay nagtapos ng electronic engineer sa Maynila.

“ Kayo na lamang nag mag-abroad,” sabi noong ng kanyang Tatang. “Mga bata pa kayo at malalakas.”

Naunang nag-abroad ang kuya Elmer niya nang kunin ito ng nobyang si Gloria sa Australya. Doon na nagpakasal ang dalawa. Siya naman ay nagtrabaho muna sa Maynila at pagkatapos ay nag-apply sa Saudi. Sa kabutihang palad ay natanggap naman. Bago siya umalis ay lihim silang nagpakasal ng kanyang nobyang si Liling na high school sweet heart niya sa probinsiya. Gayunpaman, ay patuloy pa rin niyang tinutulungan ang mga nakababatang kapatid sa pag-aaral.


Halos lahat silang magkakapatid ay nagsipag-asawa na at parang ibong nagsiliparan papalayo sa sariling pugad maliban kay Ate Salud na naiwang kumakalinga sa kanilang ama.

Si Dino ay nagtrabaho sa Amerika bilang doktor, nagka-asawa ng puti at may dalawang anak na lalaki. Maging ang kanilang bunsong kapatid na si Estela ay nag-abroad na rin sa Canada, kasama ang asawa at tatlong anak.


“Hindi naman kami nalulungkot dito,” ayon sa sulat ni Ate Salud, “Pano’y regular naman ang padala ninyong sulat at pangungumusta. Totoong masayang-masaya si Tatang sa tuwing babasahin ko ang mga sulat ninyo nina Elmer.”

May luhang nangilid sa kanyang mga mata. Si Tatang. Maagang iniwan ng asawa at iniwan naman ng karamihan ng kanyang anak. Ngayon ay nakaratay at malayo sa kanyang bayan at mga anak.

At ano na kaya ang iisipin ng kanyang Ate Salud?

Nag-long distance na sila ng sa iba nilang mga kapatid. Halos ma-shock si Estela nang mabalitaan ang pagkaka-atake ng ama. Binalak na lumipad agad ni Dino sa Australya pero sinabi nilang maghintay-hintay muna. Baka may pag-asa pa. Tatawagan nila sila kung anuman ang mangyayari sa Tatang nila.

Subalit ngayon, sa pagkakatanaw niya sa ama, nasisiguro niyang hindi na ito aabutin pa ng bukas. Tatawagan na niya ang mga kapatid.

Tahimik na tahimik ang silid. Tanging ang aandap-andap na paghinga lamang ng kanyang Tatang ang namamayani. Mula sa bintana nakita niya ang mga dilaw at mga ginintuang dahong na isa-isang nangangalaglag sa tangkay ng matitipunong kahoy. Waring mga munting layag itong sumasayaw-sayaw sa malakas na taboy ng hangin hanggang sa mawala sa panginoorin.


“Grandad is always asleep!” ang puna noon ng kanyang anak.

“It’s because he’s old. He needs more rest!” ang banayad niyang sagot .

“But I want to play with him! “ tutol ng anak habang hawak-hawak ang munting baril-barilang bigay ng lolo mula sa Pilipinas.

“Well, let him rest first and later on, he’ll play with you,” ang sagot sa anak para matahimik na lamang ito.

Napansin nilang nagiging matamlay ang ama nito nitong mga huling araw. Inakala nilang nag-aadjust lamang ito sa klima o nalulungkot nang kaunti sa pagkakalayo sa mga anak at mga kaibigan sa kanilang bayan.

Pati ang kanyang asawang si Liling ay nakapansin na rin nang bahagyang pagka-utal ng biyenan. Sinabihan nilang magpatingin ang ama pero tumanggi ito.

“Malakas ako. ‘Wag ninyo akong alalahanin!”ang lagi nitong sanggi sa tuwing uungkatin nilang magpatingin sa doktor.

At isang araw nga, bigla, sa opisina, tumawag ang nagugulumihanang asawa. Na-stroke ang kanilang ama. Nasa ospital.

Umiiyak na sinalubong siya ng asawa kasama si Gloria. Mabuti na lamang at day-off ni Liling at si Gloria naman ay nag-maternity leave na.

“Nasa kusina ako nang marinig ko ang kalabog mula sa banyo! Alam kong naroon ang Tatang at kasalukuyang naliligo. Kinatok ko ang pinto. Walang sumasagot. Nagpatulong ako sa kapitbahay nating si Peter.”

Hindi niya halos narinig pa ang ibang sinabi ng asawa. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa silid na kinararatayan ng ama.

Hindi na nagpaliguy-ligoy pa ang doktor na tumingin sa ama. Nagkaroon ito ng internal hemorrhage, Mabuhay man ay paralitiko na at di na maaaring makalakad pang muli.

Hinaplos niya ang puting buhok ng ama. Dahan-dahan. Kay tagal din namang panahong di niya nahahaplos ang dating itim na itim na buhok nito na kumikinang sa tama ng araw.

Sabi niya noon, gagayahin niya ang ama. Sa pagsasalita nito at sa pananamit. Ang panuntunan nito sa buhay. Para sa kanya ang kanyang ama ay isang tunay na bayani.

Isang mahinay na dantay ang naramdaman niya sa kanyang balikat. Nang itaas niya ang paningin, si Liling. Kasama nito ang kanilang anak na si Gilbert. Namimigat ang katawang tumayo siya sa pagkakaupo. Nilapitan niya ang anak at marahang inakay sa kama ng ama.

“Say goodnight to grandad, before we leave, Gilbert.”

Bantulot na lumapit ang bata. Matama munang pinagmasdan ang matandang nakahiga roon. Pagkatapos, tumingin sa ina a t saka sa kanya. At sa mahinang tinig na parang nakakaunawa, ay nagturan: “Good night , grandad!”

Sa labas, patuloy pa rin ang paghihip nang malakas na hangin. Ang mga tuyot at ginintuang dahon ay patuloy pa ring inaanod ng mala-yelong hanging tag-lagas. Parang mga pagal na kaluluwang naglalakbay ang mga ito sa kawalan. Ang mga punong kanina lamang ay nakokoronahan ng mga gintong dahon ay mistula na ngayong hubad. Mga aninong kalansay na nakatayo sa naghihingalong liwanag ng takipsilim. At ilang saglit pa, tuluyan nang lumukob ang tahimik na kadiliman.

 
 
See Also
 
Read this related article.
Ni Manny G. Asuncion
March 1, 2010
 
 
Read this related article.
Manny G. Asuncion
February 8, 2009
 
 
Read this related article.
Manny G. Asuncion
August 26, 2008